Sa kabila ng kaniyang edad, umaakyat pa rin ng bundok ang isang 88-anyos na lola sa Cebu para manguha ng sanga ng halaman na ginagawa nilang basket ng kaniyang mga kapatid. Ibinebenta niya ang produkto upang kumita dahil nahihiya siyang tumanggap ng tulong.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita si lola Filomina Gallardo, o Owa Minay, mula sa Argao, Cebu, na isang oras na naglalakad na nakayapak papunta sa bukana ng bundok.
Ayon sa apo sa pinsan ni Owa Minay na si Cleofe, hindi sanay na nakatsinelas ang kaniyang lola, at mas delikado raw sa matanda na madulas kung naka-tsinelas kapag umakyat ng bundok.
Isang oras din na naglilibot sa bundok si Owa Minay upang manguha ng sanga ng halaman na "Nito," na ginagamit na materyales sa paggawa ng mga tray at basket.
Katuwang sa paggawa ng basket ni Owa Minay, at kasama niya sa bahay ang dalawa niyang mas batang mga kapatid na sina Inday Liling, 82-anyos, at Manoy Guillermo, 81-anyos.
Parehong walang pamilya sina Owa Minay at Inday Liling. Habang hiwalay naman sa asawa si Manoy Guillermo, na mahina na ang pandinig.
Si Inday Liling, hindi rin lubos na makakilos dahil sa problema sa balakang nang masuwag siya ng kalabaw.
Si Cleofe na nakatira malapit sa bahay nina Owa Minay ang nag-aasikaso sa kaniyang mga lola at lolo.
Aniya, sobrang close ang magkakapatid na hindi nagkahiwalay mula pagkabata.
Sa tatlo, si Owa Minay ang nananatiling malakas ang kawatan bagaman malabo na ang kaniyang mga mata. Kaya naman siya ang umaakyat sa bundok para manguha ng sanga ng Nito.
Kapag umulan, maputik at madulas ang daan kaya mas delikado para sa katulad ni Owa Minay.
Tatlong beses sa isang linggo kung pumunta si Owa Minay sa bundok para kumuha ng materyales sa gagawin nilang basket at tray.
Kahit malabo na ang kaniyang mga mata, kabisado naman ng mga kamay ni Owa Minay ang paggawa ng basket.
Napag-alaman na pagninito o paggawa ng basket ang ikinabubuhay din noon ng kanilang ama na namana nilang mga anak.
Sa isang linggo, nakabubuo sila ng anim na tray at basket na ilalako rin ni Owa Minay. Ang presyo nito, nasa P50 hanggang P200 depende sa sukat.
Sa isang buwan,masuwerte na raw kung makabenta si Owa Minay ng P2,000.
Ayon kay Cleofe, ang kinikita mula sa mga nagagawang basket ang pinanggastos ng magkakapatid para makabili ng bigas at iba pang pangangailangan.
Hindi maiwasan ni Cleofe na maawa sa sitwasyon ng kaniyang mga nakatatanda na kailangan pa ring magbanat ng buto sa kabila ng kanilang edad.
Pero nahihiya umano Owa Minay na palagi silang binibigyan ng iba.
"Mas mabuti yung may panggastos [kahit] kaunti kaysa nakadepende tayo," sabi ni Owa Minay.
Upang malaman ang lagay ng kalusugan ng magkakapatid, sinamahan sila ng "KMJS" team para maipa-checkup, kasama na rin ang mga mata ni Owa Minay.
Bukod sa grocery, may tulong na ibibigay ang Department of Labor and Employment para mapagaang ang buhay ni Owa Minay sa paggawa ng basket na ikinatuwa ng magkakapatid. Alamin sa video kung ano ito. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News