Sa tulong ng mga sponsor, muling ikinasal ang mag-asawang Janine at Jove Sagario, na nag-viral kamakailan matapos sermonan ng pari dahil sa "late" umanong dumating sa kanilang kasal sa simbahan sa Negros Oriental.
BASAHIN: Kasal sa simbahan sa Amlan, Negros Oriental, inapura umano ng pari; parokya, nagpaliwanag
Nauna nang iniulat na 8:00 am ang schedule ng kasal sa simbahan ng mag-asawa noong June 8, 2024. Pero dumating sila sa simbahan ng 9:00 ng umaga dahil sinabihan sila ng kanilang ninang na nagsisilbi sa simbahan na iniurong ang kanilang kasal ng 9:30 am.
Kaya naman kahit naglalakad pa lang ang bride patungo sa altar, sinimulan na ng pari ang seremonya dahil may mga kasunod pang misa, kabilang ang misa para sa ililibing.
Gayunman, nagkapaliwanagan na sa magkabilang panig, at humingi na rin ng paumanhin ang simbahan sa mag-asawa.
Dahil sa nangyari, may mga sponsor na nag-alok sa mag-asawa na sasagutin ang ikalawa nilang kasal, mula sa kanilang mga isusuot at ihahanda.
Mismong si Amlan, Negros Oriental Mayor Manjoe Sycip ang nagkasal sa dalawa, at idinaos sa isang event place sa Dumaguete City.
Kasabay ng pasasalamat ni Janine sa mga tumulong para sa matagumpay nilang take 2 ng kasal, nakiusap siya na mag-move on na sa nangyari. —FRJ, GMA Integrated News