Sa halip na pera o pagkain, mga sabon ang isinabit na garland ng isang guro sa pinsan niyang estudyante na nagtapos ng Grade 10 sa Norala, South Cotabato. Bakit kaya sabon ang iniregalo ng guro at nagustuhan naman kaya ito ng kaniyang pinsan?
Sa Good News, ipinakilala ang 24-anyos na guro na si Jasse Pearl Gepulgane, na sinorpresa ang kaniyang pinsan na si Jameca Gepulgane, na nagtapos ng Grade 10 noong Mayo 30.
Ayon kay Jasse, sobrang close sila ni Jameca at magkapatid na ang turingan nila.
Kaya nagulat si Jameca nang regaluhan siya ni titser Jasse ng garland na mga sabon ang nakalagay sa kaniyang graduation.
“Nakita ko siya na may bitbit na garland. Hindi ko talaga in-expect na bleacher din pala at powder ‘yung gagawin niyang garland sa akin,” sabi ni Jameca.
Ikinatuwa ni Jameca ang pagregalo sa kaniya ng mga sabon ng kaniyang pinsan, dahil eksaktong hilig niya ang paglalaba.
“Ibinigay niya sa akin ‘yun para mas sipagan ko talagang maglaba,” sabi ni Jameca.
Ayon kay Jasse, si Jameca ang naghuhugas ng pinggan at tumutulong sa ina nito sa paglalaba.
“Sa bahay nila siya ‘yung naghuhugas ng pinggan, tumutulong kay mama niya na maglaba. Bale ‘yon ‘yung simbolo niya sa akin. Bibigyan ko siya ng ganito para maibsan lang ang gastusin nila sa pagbili ng sabon tsaka detergent,” anang guro.
Bago nito, tradisyon na ni Jasse ang paggawa ng garland. Ilang tao na ang kaniyang naging mga kaibigan nang bigyan niya ang mga ito ng garland na gawa sa mangga at tsitsirya.
Kahit simple, nagmula pa rin ito sa puso ni Jasse para kay Jameca, na isang constant honor student magmula elementary.
“Nape-pressure ako kahit hindi na ako madalas honor ‘pag nasa high school na ako kaya sinisipagan ko talagang mag-aral,” sabi ni Jameca.
Nagpasalamat si Jameca sa regalong garland sa kaniya ni Jasse, ngunit mayroon pa siyang hiniling na regalo mula sa kaniyang pinsang guro.
Alamin sa video kung ano ito ay kung kaya kayang ibinigay ni titser Jasse ang hiling na graduation gift ni Jameca? Panoorin ang buong kuwento. -- FRJ, GMA Integrated News