Posibleng matuldukan na ang paghahanap sa isang Pinoy na nawawala mula pa noong 1994 nang aksidenteng madiskubre sa ilog sa Stockton ang isang kotse na may labi ng tao.

Ayon sa mga awtoridad, isang search and recovery dive team mula sa Adventures with Purpose, ang nakahanap sa kotse, na ang orihinal na pakay ay hanapin ang isang lalaki na nawawala naman mula pa noong 2018.

May nakitang mga labi sa loob ng kotse na inaalam ngayon kung ang nawawalang Pinoy na si Arnel Narvaiz.

July 1994 nang umalis patungong trabaho si Narvaiz, na 36-anyos noon, pero hindi na nakauwi pang muli.
 
Nitong nakaraang Abril nang madiskubre ng mga naghahanap sa nawawala ring si Duke Heringer mula Elk Grove, California, sa ilalim ng ilog (31 talampakan ang lalim) ang 1988 Toyota Cressida na may California license plate number 2HTD233, na sinasabing sinasakyan naman ni Narvaiz.

Hindi pa matiyak ng Stockton Police kung ang Pinoy nga ang nasa loob ng sasakyan at kung ano ang dahilan ng pagkamatay nito.

Hinihintay pa ng pamilya Narvaiz ang resulta ng DNA results sa mga labi na nakita sa kotse.-- FRJ, GMA Integrated News