Nagiging talamak na umano ang bentahan ng mga sanggol sa social media. Kamakailan lang, isang ginang at isang lalaki na umano'y middleman sa bentahan ng isang sanggol ang naaresto. Ang ina ng bata, inilahad ang dahilan kung bakit niya naisipang "ipaampon" ang anak kapalit ng P50,000.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing isinagawa ng mga operatiba ng Philippine National Police Women and Children Protection Center, ang operasyon noong kalagitnaan ng Mayo sa harap ng isang simbahan sa Cavite kung saan isinagawa ang transaksiyon sa pagbebenta sa sanggol.
Umaabot sa P90,000 ang presyo ng sanggol na P50,000 ang mapupunta sa ina, at P40,00 sa middleman, ayon kay Police Brigadier General Portia Manalad, hepe ng Philippine National Police Women and Children Protection Center.
Pero ang hindi alam ng ina ng sanggol at ng middleman, mga operatiba na ang kanilang transakyon at kaagad silang inaresto.
Nakadetine sa Camp Crame ang dalawang suspek, kabilang ang 29-anyos na ina na si "Chari," na mula sa Tondo, Maynila.
Napag-alaman na ikatlong anak na ni "Chari" ang sanggol, at ang isa niyang anak ay nasa pangangalaga ng kaniyang kapatid.
Wala raw plano noon si Chari na ipaampon ang kaniyang sanggol. Pero iniwan siya ng kaniyang kinakasama na ama ng sanggol, na napag-alaman na nagdududa kung sa siya talaga ang ama nito.
"Lagi niya akong inaaway. Stressed na stressed na ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko sa utang namin," sabi ni Chari. Hanggang sa mapaanak siya nang wala sa oras kaya "premature" niyang iniluwal ang bata.
"Lalong humirap ang buhay ko eh nu'ng nanganak ako. Nandu'n na kami sa point na mag-ina nasa trike natutulog. Tapos naririnig ko 'yung baby ko na inuubo, bumabahing maya't maya. Kaya sabi ko sa kapatid ko, 'Ate, paampon ko na lang ito,'" kuwento ni Chari.
Bentahan ng baby online
Hanggang sa nakita ni Chari ang Facebook group kung saan may bentahan ng mga sanggol. Dito makikita ang gender ng sanggol, lugar, at lahi, pati na ang mga kondisyon hinihingi ng mag-aampon at magpapaampon.
Ang mga matagumpay umanong nakapag-ampon sa naturang FB group, nagpo-post pa ng "reviews."
Hanggang sa makaugnayan na ni Chari ang isang middleman sa FB group.
"Humihingi ako sa kaniya ng tulong kahit P1,500 pang-upa ko. Sinasabi ko sa kaniya pero wala naman siyang napadala na ganun sa akin. Sabi niya sa akin, siya na ang bahala magpa-check-up kay baby. Ako siyempre, thankful ako na magiging safe ang anak ko. Bibigyan niya raw ako ng pera. Kumbaga panibagong bukas para magsimula ako," anang ginang.
Nang magtagpo sila sa simbahan, doon lang nalaman ni Chari na operatiba pala ng pulisya ang kausap ng middleman.
Nasa isang child care facility sa Tagaytay ngayon ang sanggol.
Ang pamilya ng kinakasama ni Chari, naniniwala na iba talaga ang ama ng bata, bagay na itinanggi naman ni Chari.
Ayon sa Save the Children-Philippines, na nagaganap ngayong "orphan crisis" sa Pilipinas. Tinatayang nasa dalawang milyong Pilipino umano ang sinasabing ulila o inawan ng kanilang mga magulang.
"Mayroon data from the Child Protection Network. Last year alone, mayroon silang almost 20 child trafficking cases. From the past five years, mayroon around 50. But we also need to remember that these are only reported cases," sabi ni April Anne Correa, Project Coordinator ng Save the Children-Philippines.
Sinabi naman ni National Authority for Child Care Undersecretary Janella Ejercito Estrada, na ang kahirapan ang isa sa mga dahilan kaya ibinebenta ng ina ang kanilang anak.
"Ang pinakaunang rason kung bakit nagbebenta 'yung mga biological mothers ng kanilang mga anak dahil nga sa kahirapan. Hindi nila kayang palakihin kaya nagso-sort sila sa ganitong klaseng gawain which is illegal dahil ito po ay violation ng child abuse, ng exploitation and ng trafficking," anang opisyal.
Patuloy naman daw ang ginagawang kampanya ng pulisya para masawata ang bentahan ng sanggol online.
Sinabi rin ni Ejercito Estrada na pinadali na rin ang proseso sa legal na pag-aampon na tumatagal na lang ng ilang buwan. kumpara sa dati na inaabot ng ilang taon.
"Sa mga gusto magpaampon ng kanilang mga anak na hindi nila kayang palakihin at tustusan, puwede nila dalhin ang kanilang mga anak sa mga DSWD residential care facilities. And mayroon din mga private na child-caring agencies or orphanage," sabi nito.
Si Chari, nagsisisi sa kaniyang ginawa at hangad niyang maibalik sa kaniyang pamilya ang kaniyang anak. Pero papayagan kaya ng mga awtoridad na maibigay ang sanggol sa pangangalaga ng kaniyang mga kaanak? Alamin ang buong kuwento sa video. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News