Dinadayo ng mga tao--kasama na ang mga maysakit-- ang isang poso na nasa bakuran ng Saint Padre Pio of Pietrelcina Parish sa Barangay Panay, sa Magsingal, Ilocos Sur, dahil sa paniwala na may dala itong himala at nakagagaling ng karamdaman.
Sa ulat ni Ivy Hernando ng GMA Regional TV One North Central Luzon, sinabing naging pilgrimage site ang lugar mula nang mag-viral sa social media ang tungkol sa poso na patuloy ang pag-agos ng tubig kahit hindi bombahin.
BASAHIN: Cancer survivor na si LA Tenorio, ibinahagi ang debosyon kay Padre Pio
Umaasa ang mga taong nagtutungo sa lugar para uminom o ipahid sa kanilang karawan ang tubig, na magkakaroon ng himala para sila gumaling.
KILALANIN: Sino nga ba si Padre Pio na sandigan ng mga taong maysakit?
“Dinala namin yung bata para may chance na may miracle din na mas mabilis na gumaling,” sabi ni Mary Jane de Guzman na mula sa Candon City.
BASAHIN: Mag-asawang doktor na nagka-cancer, ibinahagi ang himalang paggaling dahil kay Padre Pio
“Nagpa-palpitate ako dati kapag mainit na mainit na, ‘yung hindi ko nako-control; tapos simula noon [na uminom ako ng tubig sa poso] hindi ko na nararamdaman,” ayon kay Marieta Bael, nagtatrabaho sa simbahan.
Ayon kay Fr. Raymond Ancheta, parish priest, pinapayagan ang mga tao na libreng kumuha ng tubig.
Binuksan din ng parokya ang imbestigasyon tungkol sa mga sinasabing paggaling ng mga taong kumuha ng tubig mula sa poso. Regular din na sinusuri ang kalidad ng tubig para matiyak na ligtas itong inumin.
“Pari ako pero hindi ganun kadaling sabihin na ‘Oh, it a miracle.’ Hindi rin ganun kadali na i-dismiss mo na ‘Oh, it’s not a miracle.’ — it’s the quality of the water,” ani Fr. Ancheta.
“Kung makakatulong, ‘di makakatulong, we term that as a phenomenon… it’s part of the nature na parang ang hirap i-explain by our naked eye, pero puwedeng i-explain 'yan ng siyensya,” dagdag niya.
Sinabi ng Department of Health - Center for Health Development (DOH-CHD) sa Region 1 na walang malinaw na katibayan tungkol sa anumang health benefits o medicinal properties sa tubig na nanggagaling mula sa poso.
“Wala po tayong nakikitang ebidensya o pag-aaral na mayroong benepisyo ‘yung pag-inom ng tubig doon sa napakaraming sakit na nararamdaman ng ating mga pasyente,” paliwanag ni Dr. Rheuel Bobis, spokesperson ng DOH-CHD Region 1.
“Wala kasing ibang content [o] ibang gamot na taglay ang tubig, kaya walang ebidensya na nakakapagpatunay na itong tubig natin ay maaring gumamot sa iba’t-ibang klase ng sakit,” dagdag niya.
Sa isang ulat ng GMA News "24 Oras," ipinaliwanag na ang patuloy na paglabas ng tubig mula sa poso kahit hindi binobomba ay dahil sa "pressure" ng tubig sa ilalim.
"'Pag gumagawa tayo ng well, bubutasin natin, aabutin natin 'yung aquifer. Mas mataas 'yung pressure doon sa underground," Ybañez said. "'Yung pressure difference between itong nasa taas at 'yung nasa baba, medyo hinahatak 'yung tubig," paliwanag ni Richard Ybañez, chief science research specialist ng University of the Philippines Resilience Institute.
Ang tubig mula sa poso ay maaaring manggaling sa mga tubig na naiipon na gravitational water o rain water; surface water o tubig mula sa ilog, lawa o iba pang bodies of water na nakapapasok sa ilalim ng lupa, at groundwater o tubig mula sa ilalim ng lupa sa mga layer ng bati at lupa na tinatawag na aquifer.-- FRJ, GMA Integrated News