Nagbukas na ang daan tungo sa pagiging Santo ng Italian teenager na ginamit ang kaalaman sa computer noong nabubuhay para ipakalat ang Catholic faith, matapos kilalanin ni Pope Francis ang ikalawang milagro na kaniyang ginawa sa paggaling umano ng isang babae na malubha ang kalagayan sa isang ospital.
Ayon sa ulat ng Reuters, taong 2006 nang pumanaw si Blessed Carlo Acutis dahil sa leukemia sa edad na 15, at binansagang "God's influencer."
Isinilang siya sa London, at lumaki sa Milan, at mula noon ay inialay na ang buhay para ikalat ang kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng internet, at pagtulong sa mga mahihirap.
Ginamit ni Acutis ang kaniyang kaalaman sa computer para sa Simbahan kung saan lumikha siya ng website at nagsaliksik ng Eucharistic miracles upang ibahagi ang nakakalap niyang mga impormasyon.
Noong 2020, na-beatified si Acutis at naging "Blessed" nang kilalanin ang isang milagro na gawa niya.
Isa pang milagro ang kailangan para tuluyan na siyang gawing santo.
Sa ulat ng Vatican News, sinabing nangyari ang ikalawang milagrong gawa ni Acutis noong July 2022 nang magdasal sa kaniya ang isang ina na mula sa Costa Rica para sa paggaling ng anak nitong babae na nahulog mula sa bisikleta.
Kinailangang operahan sa ulo ang anak pero walang katiyakan na ibinigay ang mga duktor sa kaniyang paggaling at maliit ang tiyansa ng anak na mabuhay.
Nagdasal ang ina at nagtungo sa puntod ni Acutis. Nang araw na iyon, nakatanggap ang ina ng tawag mula sa ospital sa pagbuti ng kalagayan ng kaniyang anak.
Sa sumunod na araw, nakapagsalita na umano ang anak at nawala ang pagdurugo sa utak nang isailalim sa CT scan, hanggang sa tuluyan nang gumaling.
Sa inilabas na kautusan ng Santo Papa nitong Huwebes, inihayag na magpapatawag ito ng pagtitipon ng Consistory of Cardinals para pag-usapan ang canonization ni Blessed Carlo Acutis, at ilan pa na nakatakdang gawing santo gaya nina Blessed Giuseppe Allamano, Marie-Léonie Paradis, at Elena Guerra.
Sa isang pahayag, sinabi ni Cardinal Marcello Semeraro, na ginawa ng Pope Francis ang desisyon sa pakikipagpulong nito sa mga namamahala ng saint-making department ng Vatican.-- FRJ, GMA Integrated News