Bilang isang artista at politiko, tinanong sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Lunes si Gary Estrada tungkol sa pagkakaiba ng showbiz at pulitika, at kung babalik ba siya sa public service.
Pag-amin ni Gary kay Tito Boy, mas matindi ang intriga sa pulitika kaysa sa showbiz.
"Ang pagkakaiba nila kung ito lang ang intriga sa pag-aartista, doon sa pulitika babaliktad talaga sikmura mo. Ganung siya kadumi," ani Gary na naging provincial board member noon at tumakbong vice mayor.
"At the end of the day, kahit anong gawing mong maganda, meron at meron... kulang pa rin," dagdag pa niya.
Gayunman, nilinaw ni Gary na hindi iyon ang dahilan kaya umalis siya sa pulitika.
"No. I guest it's not the right time," paliwanag niya.
Nang tanungin kung babalik ba siya sa pulitika, sinabi ni Gary na hindi pa siya makakapagdesisyon sa ngayon.
Paliwanag niya, masaya siya kung ano man ang ginagawa niya ngayon.
Kamakailan lang, kabilang si Gary sa mga veteran star na pumirama ng kontrata sa GMA bilang Sparkle Artist.
Tinanong ni Tito Boy ang aktor kung ano ang inasahan niya bilang isang Sparkle artist.
Ayon kay Gary, nawala na noon ang "drive" niya sa pag-aartista at bumalik na ito ngayon.
Gusto raw niyang makatrabaho ang kaniyang mga anak na aktor na si Rob Gomez at Kiko Estarda.
Si Rob ay anak ni Gary sa dating aktres na si Kate Gomez, habang anak ni Gary sa dating aktres na si Cheska Diaz si Kiko.
Asawa ni Gary ang aktres na si Bernadette Allyson at mayroon silang tatlong anak na babae na sina Garielle Bernice, Garianna Beatrice, at Gianna Bettina. -- FRJ, GMA Integrated News