Dalawang araw bago ang sine die adjournment o pagtatapos ng ikalawang regular session ng 19th Congress, umugong na papalitan si Juan Miguel Zubiri bilang lider ng Senado ngayong Lunes.
Sa impormasyon mula kay Senate Majority Leader Joel Villanueva na ipinadalang mensahe sa mga mamamahayag, kinumpirma niya na kasama sa agenda ng kapulungan ngayong Lunes ang pagpapalit ng liderato ng Senado.
"Agenda for Today... CHANGE OF LEADERSHIP," nakasaad sa mensahe ni Villanueva sa Viber group ng mga senador na ibinahagi niya sa mga mamamahayag.
"Thank you guys for your trust and confidence...Signing off as your Majority Leader," saad pa ng senador.
Sa ulat naman ni Nimfa Ravelo sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Senador Sonny Angara na mayroong 15 senador ang bumoto para palitan si Zubiri bilang Senate President.
Kailangan lang ng 13 senador para makapili ng lider ng Senado.
Sa video post ni Ravelo sa X (dating Twitter), tinanong si Sen. Jinggoy Estrada kung totoo na si Sen. Francis Escudero ang papalit kay Zubiri, sagot ng senador, "I think he has the numbers."
FLASH REPORT: Sen. Francis Escudero, kumpirmadong papalit na Senate President, ayon kay Sen Jinggoy Estrada. | via @nimfaravelo pic.twitter.com/UTkzv914Xh
— DZBB Super Radyo (@dzbb) May 20, 2024
Pero wala siyang bilanggit kung sino ang magiging bagong majority leader na papalit kay Villanueva, at Senate President Pro Tempore na hawak ni Sen. Loren Legarda.
Nitong weekend, umugong muli ang balitang pagsibak kay Zubiri dahil umano sa kabiguan nitong pigilin ang Senate investigation ng komite ni Sen. Ronald dela Rosa tungkol sa "PDEA leaks" na nagdawit kina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at aktres na si Maricel Soriano sa paggamit umano ng ilegal na droga.
Iginiit ng Philippine Drug Enforcement Agency na hindi totoo ang nasabing report na gawa ng dating PDEA agent na si Jonathan Morales na ipina-contempt ngayon ng Senado dahil umano sa pagsisinungaling.
Inaasahan naman na magtatalumpati ngayong Lunes si Zubiri kaugnay sa inaasahang pagpapalit ng liderato ng Senado. --mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News