Muntik nang masunog ang isang shop matapos “misteryosong” umandar ang isang induction cooker kahit wala namang tao sa Guangxi, China. Pero nang suriin ang CCTV footage, nakita kung sino o ano ang dahilan ng muntikang sunog--isang daga.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang CCTV ng isang parte ng shop na walang tao ngunit bigla na lamang gumana ang induction cooker na iniwan sa lamesa ng may-ari.
Dahil walang bantay noong mga oras na iyon, nagsimulang umusok ang nakapatong na niluluto, hanggang sa mapuno na ng usok ang kuwarto.
Pagkaraan ng ilang minuto, tila may nangyari pang pagsabog.
Agad naman itong pinuntahan ng isang staff at tinanggal ang saksakan ng induction cooker.
Muntik pang magdulot ng sunog ang niluluto.
Unang hinala ng may-ari, umandar ang self-activating feature ng induction cooker kaya ito gumana na mag-isa.
Gayunman, minabuti niyang suriin ang CCTV para makasiguro sa insidente.
Nadiskubre niya na ang salarin pala ay isang daga, na pinagdiskitahan ang mga tirang pagkain sa mesa.
Dumaan at tumapat ang daga sa may switch ng lutuan kaya biglang umandar ang induction cooker.
Sa kabutihang palad, maagap ang staff na pumasok noon sa shop.
Depensa ng may-ari, walang daga sa loob ng establisyimento.
Ngunit noong muntik nang magkasunog, sinuri nila ang shop at natuklasan na ang butas na ginawa ng mga daga sa kisame kung saan posible silang pumasok.
Tinutugunan na nila ang rat infestation sa shop.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News