Kung dati ay patakaran ang "kasal muna bago anak," ngayon, tila nagiging normal na sa mga magkarelasyon ang pagkakaroon ng anak kahit hindi pa sila kasal.

Sa Cover Stories report ni Jiselle Anne C. Casucian ng GMA News Online na “Love, Sex and Love Children,” ipinakikita sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), na bumaba ang porsyento ng mga anak na isinilang sa mga magulang na kasal na mula 51.8% noong 2013 na naging 41.9% noong 2022.

Click here for the full story: LOVE, SEX, AND LOVE CHILDREN

Samantala, tumaas naman ang bilang ng mga ipinanganganak sa labas ng kasal na mula 48.2% noong 2013, na naging 58.1% noong 2022.

Noong 2022, may 1,455,393 na isinilang na mga sanggol, kung saan 610,484 rito ang mula sa mga sa mga ikinasal na magulang, samantalang 844,909 naman ang mula sa mga magulang na hindi kasal.

Ang mga bata sa labas ng kasal o “out-of-wedlock children” na ngayon ang karamihan sa mga ipinanganganak.

“Sex daw muna ang gusto ng mga kabataan followed by parenthood and then by marriage a little later,” ayon kay Professor Maria Paz Marquez ng University of the Philippines Population Institute (UPPI).

“This veers away from the traditional child birth occurring within marriage. Dati marriage, sex, then child birth. Ngayon hindi–sex, child birth, then marriage,” dagdag pa niya.

Katunayan, hindi na umano ikinokonsidera ng karamihan ang pagpapakasal.

 

Sa datos ng PSA noong nakaraang taon, nakasaad na bumaba ng 15.9% ang ikinasal mula Enero hanggang Setyembre ng 2023 kumpara sa kaparehong panahon noong 2022.

Samantala, ipinakita pa ng pag-aaral tungkol sa mga anak ng hindi kasal na 64% ng mga kabataan ang naniniwalang dapat magkaroon ang isang babae ng anak kahit hindi pa kasal noong 2021. Masa mataas ito kumpara sa 58% noong 1994.

Samantalang 31% ng kabataan ang nagsabing dapat hikayatin ng isang babae na pakasalan siya ng ama ng bata noong 2021, kumpara sa 36% noong 1994.

OUT-OF-WEDLOCK

Ang “love child,” o batang ipinanganak sa labas ng kasal, mula man sa mga magulang na hindi kasal o isa sa magulang ay may ibang legal na pamilya, ay itinuturing na “illegitimate” sa ilalim ng batas.

Iniuugnay ni Marquez ang pagtaas ng mga ipinanganak sa labas ng kasal, sa pagdami ng mga relasyong walang kasal, kabilang na rito ang mga mag-asawang nagsasama o “live in.”

“We will have a better understanding from our censuses, which show the rising pervasiveness of cohabitation or live-in arrangement, suggesting the delinking of childbearing with marital union,” ani Marquez.

Ipinakita ng 2000 Census of Population in Housing na noong taong iyon, mayroong 33.9 milyong indibidwal na kasal, kumpara sa 12.7 milyong indibidwal sa common-law o live-in na relasyon.

Gayunpaman, may 5% na pagtaas lamang sa pag-aasawa mula 2015 hanggang 2020, kumpara sa 75% na pagtaas sa “nonmarital cohabitation” o pagsasama nang hindi kasal.

 

 

Sinabi ni Marquez na ang pagtaas ng bilang ng mga ipinanganak sa labas ng kasal ay sumasalamin din sa mga resulta ng Young Adult Fertility and Sexuality Study ng UPPI noong 2021, na nagpapakita ng pagbabago sa mga prayoridad ng mga kabataan.

Ang “mean” na nakikita ng mga respondent bilang mga perpektong edad para sa kasal, unang seksuwal na karanasan, at pagkakaroon ng unang anak ay nagpakita na hindi sila naniniwalang dapat itong mangyari nang magkakasunod.

TEEN PREGNANCIES

Sa kabila ng tumataas na pagtanggap– at pagbabago ng mga opinyon kung ano ang maituturing “moral” sa lipunan– ay ang kinalaman sa pagtaas ng pagkakaroon ng mga anak sa labas ng kasal, hindi rin dapat palampasin ang isa pang anggulo: na maraming bata sa labas ng kasal ay isinilang ng mga menor de edad na babae na masyadong bata para magpakasal.

Noong 2022, mayroong 3,135 na sanggol na ipinanganak ng mga inang wala pang 15 taong gulang, kung saan 2,982 ang ipinanganak sa labas ng kasal.

Kung isinasantabi ang nakababahalang reyalidad na may mga batang wala pang 15 taong gulang ngunit kasal na, nangangahulugan nitong 95.1% ng mga batang ipinanganak sa mga inang ito ay ipinanganak sa labas ng kasal.

Sa mga ina na may edad 15 hanggang 19, mayroong 147,003 na mga isinilang, at 132,346 dito ay ipinanganak sa labas ng kasal.

Sa kanilang pag-alarma kaugnay sa 35% na pagtaas ng mga pagbubuntis ng mga batang wala pang 15 taong gulang, nanawagan ang Commission on Population and Development (CPD, dating POPCOM) para sa pagpasa ng Adolescent Pregnancy Prevention Act, para maiwasan ang teenage pregnancies.

Ano ang mga karapatan ng isang anak na hindi kasal ang mga magulang? Alamin ang buong detalye sa special report na ito, at basahin ang ginawang paglalahad ni "Cheska," na sinasabing anak ni Francis Magalona sa isang babae na kaniyang nakarelasyon. -- FRJ, GMA Integrated News