Sa segment ng Unang Hirit na #AskAttyGabby, ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion, na walang direktang batas na nagbabawal sa pag-screenshot ng mga usapan sa GC at ipadala sa iba o i-post.
Pero magiging iba ang usapan kung ang iniscreenshot na usapan sa GC ay may makikitang impormasyon o personal data ng isang tao dahil maaari nang pumasok dito ang Data Privacy Act o RA 10173.
"Ibig sabihin kung kita sa screenshot ang pangalan, picture, o ibang personal na impormasyon at ikinalat ito nang walang pahintulot, puwede itong maituring na unauthorized processing na ipinagbabawal ng batas," paliwanag ni Atty. Gaby.
Sinabi pa niya na bawal din kung nakasisira sa reputasyon ng tao ang laman sa screenshot na kapag ipinadala sa iba ay maaaring maging krimen na online libel.
Sa tanong kung puwede bang makulong ang nag-screenshot at nag-share ng usapan sa GC, sabi ni Atty. Gabby, kapag pasok sa nakasaad sa Data Privacy Act gaya ng unauthorized processing ng impormasyon ang laman ng ikinalat, mayroon itong parusa na isa hanggang tatlong taon na pagkakakulong at multa na P500,000 hanggang P2 milyon. -- FRJ, GMA Integrated News