Ginawang atraksyon sa isang zoo sa China ang mga tila "mini panda" na kinalaunan ay natuklasan na mga asong chow chow pala na kinulayan lang para magmukhang panda.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, kaagad na mapapansin ang dalawang "panda" na makikita sa Taizhou Zoo sa China na mas maliit sa mga totoong panda.
Inamin naman ng pamunuan ng zoo na hindi sila nakakuha ng permit para mag-alaga ng panda. Kaya gumawa sila ng paraan upang may maipakitang panda sa mga bisita.
Ang dalawang chow chow dog, kinulayan nila ng itim at puti.
Itinuturing na national treasure sa China ang mga panda kaya hindi lahat ng zoo ay nabibigyan ng permit para mag- alaga nito.
Kaya naman mahigpit daw ang kompetisyon ng mga zoo dahil limitado ang nakakakuha ng permit.
May mga natuwa at natawa sa ginawa ng zoo sa dalawang aso pero mayroon ding nabahala sa kanilang kalusugan.
Pero tiniyak naman ng zoo, na ligtas para sa mga aso ang ginamit nilang pagkulay sa mga ito.
Hindi ito ang unang pagkakataon na pinagmukhang panda ang mga chow chow dog. Noong 2014, kinumpisaka ng mga pulis ang dalawang aso na kinulayan din ang balahibo na parang panda para sa pagtatanghal ng isang Italian circus.
Naging kontrobersiyal din noong 2019 ang paggamit ng 'panda chows" ng isang cafe para makaakit ng mga customer. --FRJ, GMA Integrated News