Sa isang iglap, ang bahay na ilang taon na pinagsikapan ni Mura na maitayo sa Ligao, Albay mula sa kaniyang pagtatrabaho noon sa showbiz, naabo. Kasamang nasunog ang ilang gamit na regalo ng kaniyang namayapang kaibigan na si Mahal.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," hindi naitago ni Mura, o Allan Padua sa tunay na buhay, ang matinding kalungkutan sa sinapit ng kanilang bahay na dalawang palapag.
Abril 27 nang masunog ang kanilang bahay at hindi na naagapan dahil sa malayo ang bumbero sa kanilang lugar.
Dahil sa may problema na sa paglalakad si Mura bunga nang tinamong pinsala sa aksidente sa tricycle noong 2010, halos wala na silang naisalbang gamit.
Pati ang ilang gamit na nagsisilbing alaala ng namayapa niyang kaibigan na si Mahal na pumanaw noong 2021, kasamang nasunog.
"Sa tagal mong nagtrabaho, pinaghirapan mo rin ito, hindi mo alam ganito rin lang mangyayari ulit. Kasi pangatlong sunog namin ito. Nakakalungkot lang kasi bigla rin siyang nawala," emosyonal niyang pahayag.
"Hindi ko alam, iyon ang masakit. Hindi ko alam kung saan ako mag-uumpisa. Bakit kasi ito nangyayari sa amin. Kung puwede lang magpahinga na rin lang ako...tuloy-tuloy na yung pagpahinga ng buhay ko rin," sabi pa niya.
Pansamantalang nakatra ngayon sina Mura at ang kaniyang ama sa kanilang tiyahin sa Ligao din.
Kuwento ni Mura, pinamahayan ng bubuyog ang isang kuwarto sa itaas ng kanilang bahay kaya pinausukan ito ng kaniyang ama gamit ang "onlong" o sinunog na parte ng puno ng niyog.
Posible umano na may baga na nalaglag mula sa onlong na hindi napansin ng kaniyang ama na malabo na rin ang mata, at kumalat na ang apoy nang kanilang mapansin.
Sa kabila ng nangyari, ayaw ni Mura na maghanap ng sisisihin sa nangyaring aksidente.
"Matanda na rin si papa, malabo na rin ang mga mata. Mahirap naman pagsabihan mo baka kung ano pang mangyari sa kaniya," paliwanag ni Mura.
Taong 2005 nang unti-unting naipayo ni Mura ang kanilang bahay mula sa may 10 taon na pagtatrabaho niya sa showbiz. Nang magpahinga sa harap ng camera, ginugol ni Mura ang panahon sa pagtatanim.
Pero noong 2010, naaksidente si Mura sa tricycle at napinsala ang kaniyang balakang na dahilan para hindi na siya makalakad nang maayos.
Kamakailan lang, ang kaniyang ama, nadulas din habang binibisita ang nasunog nila bahay at tumama ang balakang kaya hindi rin ngayon makalakad.
Paano kaya na makapagsisimulang muli si Mura para maipagawa ang nasunog niyang bahay? Sino kaya ang handang tumulong sa kaniya? Tunghayan sa video ang buong kuwento. -- FRJ, GMA Integrated News