Sumailalim sa caesarean section ang Kapuso actress na si Yasmien Kurdi para maisilang ang ikalawa nilang anak ni Rey Soldevilla.

Sa Instagram, ibinahagi ni Yasmien ang ilang larawan sa ginawang procedure sa kaniyang panganganak, na nais daw sana niyang normal delivery.

Pero hindi raw umaayon sa kanilang plano ang mga pangyayari.

"After series of tests nalaman namin na manipis pa din pala ang CS scar ko even after 11 years - not a good indication. 'Di na namin itinuloy because of many high-risk possible scenarios and we opted for CS the day I labored," saad ni Yasmien.

"We also found out during the procedure that the baby had a cord coil. It actually was a good call that we opted CS because if we tried VBAC [vaginal birth after cesarean section] we would have ended up doing CS still," dagdag niya.

Ang cord coil ay ang pagpulupot ng pusod ng baby sa leeg nito habang nasa loob ng sinapupunan, na maaaring magdulot ng komplikasyon sa kanilang pagsilang.

Nagpasalamat si Yasmien sa mga duktor na nag-asikaso sa kanila ng kaniyang baby.

"A #cesarean (C-Section) is a life saving procedure for women like me.. I chose to do whatever it took to get my baby out healthy and safe!" sabi pa ng aktres.

 

 

Labing-isang taong gulang na ang panganay na anak nina Yasmien at Rey na si Ayesha.

Nobyembre noong nakaraang taon nang ibahagi nila na pagbubuntis muli ng aktres, at kamakailan ay inihayag nila na babae muli ang kanilang magiging pangalawang anak.

Nagulat at nadismaya pa ang aktres nang may mag-report at ipatanggal ang kaniyang gender reveal video sa social media.—FRJ, GMA Integrated News