Matapos magpaulan ng drone bombs at missiles ang Iran sa Israel kamakailan, ang Israel naman ang nagpapakawala ng mga drone sa Iran. Kaya ang mga Pinoy sa Israel, pinaalalahanan na sakaling lumalala ang sigalot ng dalawang bansa.
Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing ang mga awtoridad mismo ng Israel at embahada ng Pilipinas ang nagbabala sa mga Pinoy sa Israel na maghanda sakaling lumala ang sitwasyon doon.
Ang Pinay sa Israel na si Marie Aranton, nasaksihan daw ang missile at drone strikes ng Iran noong Sabado.
Ang mga drone at missiles, napabagsak ng depensa ng Israel at ilang kaalyadong bansa kaya walang idinulot na matinding pinsala.
“Siyempre po natakot kami. Talagang nagdasal kami, talagang nandun po yung aming takot kahit sanay [na] kami sa nangyayari dito,” sabi ni Aranton.
Pero sa kabila ng babala na posibleng lumalala ang sitwasyon, atubili pa si Aranton na umuwi ng Pilipinas, lalo pa't miyembro ng Israeli Internal Defense Force (IDF) ang kaniyang anak.
"Yung po ang panalangin kong 'wag [ipatawag ang anak] kasi napaka... 'yung isa pong Pilipinong namatay dito ay kaibigan niya kaya ako po’y natatakot,” pahayag niya.
Ang pag-atake ng Iran sa Israel ay dulot ng pambobomba umano ng Israel sa kanilang embahada sa Syria noong April 1 na ikinasawi ng ilang military officials. Hindi naman kinukumpirma ng Israel kung sino nga ang nasa likod ng nasabing pag-atake.
Sa pagganti naman ng Israel, iniulat na nakita ang pinadala nilang mga drone sa bahagi ng Isfahan sa Iran na malapit sa kampo ng militar pero napabagsak ang mga ito.
Kung sakaling lumalala ang sigalot sa dalawang bansa, sinabi ng isang financial analyst na makakaapekto ito sa Pilipinas.
“Medyo tataas yung importation cost,” sabi ni Michael Ricafort, chief economist ng Rizal Commercial Banking Corp. “Mas ramdam natin yun tumataas yung price ng imports mas nagiging mahal yung bilihin yung mga inaangkat natin tulad ng langis siyempre bukod pa sa presyo ng langis itself.”
Ang Department of Foreign Affairs (DFA), sinabing nakahanda na tumulong makauwi sa mga Pilipinas ang mga Pinoy na nais magpa-repatriate. Pero sa ngayon, wala pa umanong Pinoy na nais bumalik sa bansa.
Tinatayang mayroong 1,000 Pinoy sa Iran, habang nasa 27,000 naman ang mga Pinoy sa Israel. --FRJ, GMA Integrated News