Nag-viral sa social media kamakailan ang post ng isang consumer sa Samal Island na makikita na umabot sa mahigit P1 milyon ang bill niya sa kuryente. Ang electric cooperative, humingi ng paumanhin.
Sa ulat ni Kent Abrigana sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing nakasaad sa electric bill ang pangalan ng isang “Jossel,” na nagbasa ng metro para sa konsumo ng kuryente noong April 4, 2024.
Sa inilabas na pahayag ng Northern Davao Electric Cooperative Inc. (NORDECO), ipinaliwanag nito na nagkamali sa pagbasa ng metro ang kanilang tauhan.
Dapat na P1,500 lang ang babayaran ng consumer at hindi mahigit P1 milyon.
Humingi ng paumanhin ang NORDECO at nilinaw na wala silang intensyon na manloko ng kanilang mga kliyente.
Hinikayat nila ang mga kliyente na direktang iulat sa kanilang tanggapan kung magkakaroon ng problema sa kanilang electric bills para sa kaukulang aksyon.-- FRJ, GMA Integrated News