Nagulantang ang mga dumadalo sa misa sa San Isidro Parish Church sa Binalbagan, Negros Occidental nang biglang rumagasa sa loob ang isang tricycle nitong Miyerkules ng gabi. Ang lalaki sa tricycle, hindi pa nakontento at pumunta sa altar para wasakin ang imahen ng mga santo.
"So nang natumba na, bumangon siya at tumakbo doon sa altar at pinagtutumba ang mga santos (imahe),” sabi ni Police Lieutenant Glen Portunes, deputy chief ng Binalbagan Municipal Police Station, sa ulat ng GMA Regional TV.
Kaagad namang naaresto ang suspek na idinahilan na may narinig siyang tinig na nag-utos sa kaniya ng wasakin ang imahen ni Hesus.
Sa inilabas na pahayag ng Diocese of Kabankalan, inihayag nito ang pag-aalala sa mga nagsimba na nakasaksi sa insidente.
“While the physical and external damages may cause so much burden to the parish, it is the internal injury to the minds and hearts of the faithful that concern more to us. Witnessing desecration of the sanctuary and utter disrespect to the revered images generated so much pain and suffering to the people of the parish. Thus, while the restoration of the broken images is urgent, the reparation of the internal injury and pain is even paramount," ayon sa pahayag.
Maliban sa mga nasirang imahen ng mga santo, napinsala rin umano ang tabernakulo ng simbahan.
Sa ulat ni Eileen Padreso sa GMA Regional TV One Western Visayas, sinabing nasampahan na ng reklamong malicious mischief at alarm and scandal ang suspek.
Ayon kay Portunes, inamin din ng suspek na lango siya sa ilegal na droga nang gawin ang pagwawala sa simbahan.-- FRJ, GMA Integrated News