Inirereklamo ang isang pribadong ospital sa Valenzuela City dahil sa tila "palit-ulo" umano na sistema nito kapag namatay ang pasyente at hindi mabayaran ang bills. Para mailabas ang bangkay ng pasyente, may kaanak ito na maiiwan sa ospital at hindi palalabasin hangga't hindi naaayos ang dapat bayaran.
Sa pulong balitaan nitong Miyerkoles, sinabi ni Valenzuela Mayor Wes Gatchalian, na reklamong illegal detention ang isinampa ng mga biktima na kanilang tinulungan laban sa pribadong ospital.
"'Yung Case No. 1 ito po ay slight illegal detention ang finile. Ang Case No. 2, tatlong araw ang kaniyang detention so it will fall on serious illegal detention,"anang alkalde.
Maliban sa pag-ipit sa kaabak ng namatay na pasyente, sinabi ni Gatchalian, na lumabag din umano ang ospital sa Republic Act 10932 o Anti-hospital Deposit Law, dahil nanghingi umano ng deposito ang pagamutan bago tanggapin ang pasyente.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GMA News "24 Oras," napag-alaman sa isa sa mga nagreklamo ay si "Richel," na namatayan ng asawa na pasyente ng ospital.
Pinayagan umano na maiuwi ang labi ng kaniyang asawa pero pinigilan naman siyang makaalis dahil hindi pa bayad na hospital bills ng kaniyang mister na nagkakahalaga ng mahigit kalahating milyong piso.
"Nasa labas na po yung asawa ko, nakaburol na po siya tapos ako nasa ospital. Kaya hindi ako makatulog kakaisip kung anong gagawin ko," ani Richel.
Namalagi umano siya sa waiting area ng ICU at binabantayan siya ng guwardiya.
Ngunit nang makakuha ng pagkakataon, tumakas si Richel sa pamamagitan ng pagdaan sa gate na nasa likod ng ospital.
Katulad na sitwasyon din umano ang naranasan ng magkapatid na "John" at Lovery" laban sa inirereklamong ospital nang mamatay ang asawa ni John.
Ayon kay John, pinayagan ng ospital na mailabas ang labi ng kaniyang misis pero ipinaiwan ang kaniyang kapatid na si Lovery, dahil hindi rin nila mabayaran ang bills ng kanilang namatay na pasyente na umaabot sa mahigit P700,000.
Nang lalabas sana ng ospital si Lovery para bumili ng pagkain, hinarang siya ng guwardiya.
Nakuha ni John ang kaniyang kapatid nang magsumbong siya sa pulis at pumayag umano ang ospital na tanggapin ang inisyal na bayad na P50,000 at pinapirma siya promissory note.
"Yung promissory note po labag din po sa loob ko, gusto nila P100,000 kinabukasan [ang bigay]. Tapos every other day P100,000, tapos yung balance din sa ibang araw. Hindi ko po alam kung saan ako kukuha ng ganoong kalaki kaya hirap na hirap din po kami noon," emosyonal niyang pahayag.
Pinuntahan ng GMA Integrated News ang inirereklamong Ace Medical Center para hingan ng panig pero inihayag ng nasa information desk na sinabihan sila ng kanilang safety officer na hindi muna sila magbibigay ng pahayag.
Pero batay sa nakuhang kopya ng GMA Integrated News na counter-affidavit ng ospital tungkol sa akusasyon nina John at Lovery, nakasaad na walang illegal detention na nangyari.
Wala naman daw elemento rito ng pagkulong o pagkandado. At hindi naman umano naka-lock ang pinto ng kuwarto kung saan dinala si Lovery, at hindi rin daw ito pinigilang lumabas ng ospital.
Batay sa R.A. 9439, bawal ikulong sa ospital ang mga pasyenteng hindi makabayad ng bills. Ang lalabag ay maaaring magmulta ng P20,000 hanggang P50.000, o pagkakakulong ng mula isa hanggang anim na buwan.
Nakukulangan naman lokal na pamahalaan ng Valenzuela sa parusa kaya plano nilang gumawa ng ordinansa na magpapataw ng mas mabigat na parusa laban sa mga ospital na lalabag sa naturang mga batas.
Sumulat na rin umano ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela sa Department of Health para paimbestigahan ang umano'y tila "palit-ulo" na sistema ng inirereklamong ospital.-- FRJ, GMA Integrated News