Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, sinabing naging highlight ng katatapos lang na Barako Fest 2024 ang “Last to Take Hands Off Challenge!”
Kabilang sa mga naging kalahok ang 22-anyos na criminology student na si John Jerson Gonzales, na bata pa lang ay pinangarap niya nang magkaroon ng sariling sasakyan.
Ang kaniyang ama, apat na dekada nang on-call ngunit hindi nakayanang bumili ng sariling sasakyan dahil sa kakulangan sa pinansiyal.
Kaya naman kasama ito sa naging motibasyon ni Gonzales na lumaban upang mapanalunan ang SUV.
Isa pa sa mga naging kalahok ang 37-anyos na ina na si Brenda Badillo. Ang dalawa niyang anak, parehong may problema sa mata.
Ang panganay na anak ni Badillo, isinilang na bulag. Habang ang pangalawa naman ay nabulag na ang kaliwang mata dahil sa neuro-ophthalmic lesion o problema sa ugat sa mata.
“Sapat na po sa amin ‘yung panganay ko. Parang hindi na po namin kakayanin kung mawawala rin ‘yung paningin ng bunso ko,” sabi ni Badillo.
Kung mananalo, planong ibenta ni Badillo ang sasakyan para may maipampagamot sa kaniyang mga anak.
Marso 14 nang hapon nang dumating sa venue ang brand-new SUV na hinahangad na mapanalunan ng lahat. Dinikitan ito ng hand stickers na may mga numero, kung saan ipapatong ng mga kalahok ang kanilang mga kamay.
Numero 12 ang nabunot ni Gonzales, na nakapuwesto sa headlights ng SUV, habang numero 6 naman si Badillo na nasa kaliwa ng sasakyan.
“Natakot po ako, ang lalakí nila eh, puro laláki pa po. Sabi ko ‘Hala, kaya ko kayang patumbahin ang mga ‘to?” sabi ni Badillo nang makita ang mga lalaking kalahok.
Matapos ipapuwesto ang mga kamay ng mga contestant sa mga sticker, sinimulan na ang paligsahan. Sa mga unang oras ng challenge, sisiw pa ito sa mga kalahok.
“Sobrang nakakangawit at nakakamanhid po, tapos ay pasmado pa. Nadulas ‘yung kamay ko, sobra kung mamawis ang kamay ko,” ani Badillo.
Ngunit pagkaraan ng anim na oras, nangangawit, napapaupo at napapayuko na ang ilang kalahok. Mayroon namang limang minutong break para sila mahilot, pakainin o makaihi.
Pagsapit ng alas tres ng madaling araw, natira na lamang ang 25 na kalahok mula sa 40 na kasali.
“Noong unang gabi ang nagpahirap ‘yung panahon. Lumalamig na, bawal din kaming mag-jacket. Naisip ko na, ‘Kakayanin ko kaya ‘to?’ Pagpikit ko, napahimbing nang kaunti ‘yung tulog ko, muntik nang matanggal ‘yung kamay ko sa sasakyan. Buti na lang nagitla ako,” sabi ni Gonzales.
Hanggang sa lumipas na ang 24 oras, ngunit hindi pa rin bumibitaw sina Gonzales at Badillo. Ngunit napapayuko na at napapahawak sa kaniyang tuhod si Badillo.
“Sumasakit na po ang katawan ko pati puson ko po noon, kakapigil ko ng ihi. Parang hindi ko na kaya kasi namaga na ‘yung kamay ko. Pero naisip ko naman, sayang naman kung wala akong maiuuwi kahit na ano,” sabi ni Badillo.
Lumipas pa ang mga oras at naging mas mahirap pa ang sitwasyon ng mga kasali.
Dumaan na ang dalawang araw at limang participants na lang ang natira, kasama pa rin sina Gonzales at Badillo.
Ang mga organizer, nilagyan ng twist ang challenge na mas magpapahirap sa mga contestant. Ipinataas ang isa nilang paa at isang kamay. Kapag ibinaba nila ang isa sa mga ito, “out” na sila.
Napabitaw na ang tatlo pang kasali kaya naiwan na lamang sina Gonzales at Badillo na maglalaban para sa brand-new car.
Tunghayan sa video ng “KMJS” kung sino kina Gonzales at Badillo ang nakatagal sa paghawak, at masuwerteng nagwagi ng bagong SUV. May maiuuwi rin kaya ang second place sa paligsahan? Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News