Naglabas ng pahayag ang "Kapuso Mo, Jessica Soho" kaugnay sa naging episode nito tungkol sa pinatay na aso na si "Killua" sa Camarines Sur.
Inilabas ng KMJS ang pahayag nitong Linggo na ipinost sa kanilang social media accounts dahil na rin sa naging reaksyon ng ilang manonood.
"Nakarating sa aming kaalaman ang saloobin ng ilang manonood na nagsasabing binibigyang-katwiran ng aming ulat ang ginawang pagpatay sa asong si Killua. Mariin po namin itong pinabubulaanan," nakasaad sa pahayag.
"Kagaya ng iba naming mga report, kinuha namin ang salaysay ng fur parent ni Killua, ng tanod, at iba pang nakasaksi sa pangyayari, sa ngalan ng patas na pamamahayag," patuloy niya.
Dagdag pa sa pahayag, "Binanggit din sa segment na hindi nararapat patayin ang aso kahit pa nakakagat ito at paparusahan ang mga lalabag sa Animal Welfare Act. Hinihikayat din ang lahat na maging responsableng dog owner."
Giit pa nito, "Naninindigan ang KMJS na kailanman walang puwang ang animal cruelty sa ating lipunan. Maraming salamat po."
Si Killua ay isang Labrador retriever na tatlong-taong-gulang, na pinatay sa palo ng isang tanod sa Bato, Camarines Sur.
Base sa CCTV footage, nakalabas ng bahay si Killua matapos tumalon mula sa bubungan dakong 5:00 am.
Isang babae ang sinasabing inatake ng aso at kinakagat.
Dahil dito, tumulong ang tanod na nauwi sa pagpatay kay Killua dahil sa patuloy umano itong nagiging agresibo.
Matapos i-post ng amo ni Killua ang sinapit ng kaniyang alaga, umano ng pagbatikos ang ginawa sa aso at nanawagan ng hustisya.
Sa naturang episode ng "KMJS," kinumpirma ng babae ang ginawang pag-atake at pagkagat sa kaniya ni Killua.
Kamakailan lang, kinumpirma ng Philippines Animal Welfare Society (PAWS) na nagpositibo sa rabies virus si Killua.
Pero paglilinaw ng PAWS sa pagiging positibo ni Killua sa rabies, "may not be accurate due to the fact that the body had already been buried for five days prior to testing and may have been contaminated from being in an area where many stray dogs have already been slaughtered."
Sinampahan din ng PAWS at amo ni Killua ng kaso ang tanod. —FRJ, GMA Integrated News