Sa programang "Share Ko Lang" ni Dra. Anna Tuazon, nakapanayam niya si Jonalyn Johns, isang Pinay na nakikipagsabayan sa Amerika sa isang uri ng trabaho na kilalang panglalaki--ang pagiging driver ng mga 18-wheeler truck.
Ayon kay Jonalyn, 2016 nang makarating siya sa Amerika nang makapag-asawa siya ng isang Amerikano na una niyang naging kaibigan sa internet.
Single mom noon si Jonalyn bago niya nakilala ang kaniyang mister. Nang pumunta siya sa Amerika, ang nanay pa mismo ng kaniyang mister ang naghikayat sa kaniya na dalhin na rin doon ang kaniyang anak, at ito na raw ang bahalang mag-alaga sa bata.
Truck driver ang mister ni Jonalyn kaya naingganyo siya sa uri ng trabaho nito. Gayunman, hindi naging madali ang trabaho dahil nalalayo sa kaniya ang mister kapag nasa biyahe ito na inaabot ng ilang araw.
Bago naging truck driver, nagtrabaho muna si Jonalyn sa isang home care facility kung saan na-enjoy niya ang pakikipag-usap sa mga inaalagaan nilang nakatatanda.
Pero nawawalan sila ng panahon ng kaniyang asawa sa isa't isa dahil sa wala siya sa bahay kapag umuuwi ang kaniyang mister, at ang mister naman niya ang wala kapag siya ang dumating sa bahay.
Kaya hinikayat umano siya ng kaniyang mister na magsama na lang sila sa kaniyang trabaho sa truck company. Bukod sa maganda ang kita, lagi pa silang magkakakasama.
Ikinuwento ni Jonalyn na hindi naging madali ang pag-aaral niya sa truck driving school dahil na rin sa mundo ito ng mga lalaki. Pero nagsikap siyang mag-aral at matutunan ang pagmamaneho ng mga malalaking truck.
Maging ang pagse-secure ng kanilang mga kargamento at pagkakabit ng double-trailer, ginagawa ni Jonalyn. Marami umano ang namamangha kapag nakitang siya ang nagmamaneho ng truck.
Sa ilang pagkakataon, naglalagay na siya ng sombrero para hindi siya mapansin na babae dahil nahihiya siya kapag nakakakuha ng sobrang atensyon.
Ayon kay Jonalyn, bukod sa kasama niya ang asawa sa trabaho, na-e-enjoy niya ang pagbiyahe sa malalayong lugar dahil nakakakita siya ng magagandang tanawin, at nakakarating sa iba't ibang lugar.
At kahit malayo siya sa kaniyang anak kapag nasa biyahe, lagi niya itong tinatawagan, gaya nang ginagawa niya sa asawa noong hindi pa sila magkasama sa trabaho.
Natutuwa si Jonalyn sa pagiging supportive ng kaniyang mister na naghihikayat pa sa kaniya na kausapin palagi ang anak upang hindi maghanap ng ibang makakausap.
Ayon kay Jonalyn, ipinapaliwanag niya sa kaniyang anak ang ginagawa niyang pagsisikap sa trabaho upang mabigyan ito ng magandang buhay.
"Sabi ko sa anak kailangan kong magtrabaho, I need to do this for you so I can give you a better life. Naintindihan naman niya. Sabi ko huwag nating sayangin para yung generation natin, next generation, gumanda ang buhay," sabi ni Jonalyn.
"Kasi lumaki akong mahirap, gusto ko yung buhay mo [anak] medyo maluwag. I want her to be proud of me. I want my daughter to be proud of me. So yon yung inspirasyon ko to change my life," patuloy niya.
Tunghayan ang buong panayam at kuwento ni Jonalyn sa video ng Share Ko Lang." -- FRJ, GMA Integrated News