Isang ginang sa Australia ang tatlong beses nakaranas ng miscarriage, pero nagkaroon pa rin ng tatlong anak makaraang mabuntis siya ng dalawang beses na nangyari sa loob lang ng halos isang taon.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing maraming netizens ang humanga at namangha nang ibahagi ni Sarita Holland, ang pambihira niyang karanasan sa pagiging isang ina.
Tatlong beses kasi siyang nakaranas ng kalungkutan nang tatlong beses na hindi magtuloy ang kaniyang pagbubuntis.
Ang malungkot niyang karanasan, napalitan naman ng kasiyahan dahil muli siyang nabuntis at nagkaroon ng tatlong anak na tinatawag na "Irish Triplet."
Pero ang "triplet," iniluwal niya sa dalawang beses na pagbubuntis sa loob ng halos isang taon.
Taong 2011 nang malaman ni Sarita na muli siyang nagdalang-tao. Ngunit wala pang isang buwan mula nang isilang niya ang baby na isang babae, hindi niya alam na buntis na naman siya.
Nalaman ni Sarita na nagdadalang-tao muli siya nang mahigit dalawang-buwang-gulang pa lang ang panganay nila ni Stevie.
"When she [baby] was just 10-weeks-old and I was still breastfeeding, I fell pregnant with identical twin boys," ayon kay Sarita.
Isinilang niya ang kaniyang kambal na premature na 30 weeks at five days, o mahigit pitong buwan lang. Gayunman, naging maayos pa rin ang naging kalusugan ng kambal.
Kaya naman lumilitaw na isinilang ni Sarita ang panganay niyang babae at mga bunso na kambal na lalaki sa loob lang mahigit 10 buwan.
Hindi man naging madali para kay Sarita at kaniyang asawa ang mag-alaga ng tatlong bata na halos magkakaedad, sinikap nila na iparamdam sa kanilang panganay ang kaniyang pagiging ate sa kambal na kapatid.
Ngayon, 13-anyos na ang mga bata at isang taon ang pagitan nila sa pagpasok sa paaralan.
Ini-upload ni Sarita sa social media ang kaniyang karanasan para magbigay ng inspirasyon sa iba, at maraming netizen ang humanga sa kaniyang katatagan bilang ina ng "Irish triplets." --FRJ, GMA Integrated News