Hindi inasahan ng isang ginang ang dami ng mga tao na hinihinala niyang "kinulam" din nang makita ang mga litrato at listahan ng mga pangalan na nasa papel at nakasiksik sa isang matandang puno ng balete sa Liloy, Zamboanga de Norte.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Jocelyn Alpas, na Abril noong nakaraang taon nang mapansin niya ang pagbabago sa kilos at ugali ng kaniyang anak na babae.
Bigla na lang umano itong nagiging sa dis-oras ng gabi at may nakikita umanong kakaiba na nagbabanta na kukunin siya.
Sunod naman na nagkaroon ng problema ang kaniyang ina na may idinadaing sa katawan na tila nagpapasakit sa kaniya.
Ayon kay Alpas, wala naman daw makitang problema ang mga duktor kapag nagpapasuri sila, at hindi rin tumatalab ang mga gamot na ibinibigay sa kanila.
Hanggang sa may nakapagsabi sa kaniya tungkol sa posibilidad na nakukulam sila at sa isang puno ng balete nila ito matatagpuan.
Kaya naman bumiyahe ng isang oras si Alpas upang puntahan ang kinaroroonan ng sinasabing puno ng balete.
Nakatayo ito sa kakayuhan at ilang lugar at may katabing maliit na sapa. Tinatayang 100 taon na umano ang puno na may taas na 30 talampakan.
At nang silipin niya ang katawan ng puno, doon na niya nakita ang nasa 50 larawan at mga listahan ng papel na may nakasulat na mga pangalan na nasa 200, at may nakasaad din na mga "pahirap" na kanilang mararanasan.
Ang pamilya ni Alpas, nakalista ang pangalan ng mga miyembro ng pamilya at nakasaad na magkakasakit sila. Nandoon din ang kanilang mga larawan na hinihinala niyang kinuha sa kanilang Facebook account na ipina-print.
Natuklasan din ni Alpas na hindi lang ang pamilya niya ang hinihinalang ipinakulam dahil sa dami ng pangalan na nakalista.
Nang i-post nila ito sa social media, nalaman nila na ilan sa mga pangalan na nandoon ay mga kapitbahay nila, na may hindi rin maipaliwanag na nangyayari sa kanila.
Nugnit sino naman kaya ang nasa likod na sinasabing pagpapakulam sa kanila? At papaano kaya nila ito kokontrahin? Puwede nga kayang kasuhan nina Alpas ang taong pinaghihinalaan nila na nasa likod ng umano'y pangkukulam? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News