Ang mga maysakit, pati na ang mga hindi na makatayo at makalakad dahil na-stroke at nabaldado, kaya umanong pagalingin sa pamamagitan ng dasal ng isang 27-anyos na pastor sa Cagayan de Oro. Ang naturang pastor, aminadong makasalanan noon, nakulong at nalululong pa sa ilegal na droga.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakilala ang binansagan na "Man of God" na si Pastor Ron Jan Tion.
Sa video, ipinakita ang isang babaeng pasyente na lumabo na raw ang mga mata at hindi na makalakad matapos na ma-stroke. Pero makaraang dasalan at tapik tapikin ni Pastor Ron, ang babae, nakalakad muli, at luminaw din umano ang paningin.
Ang isa pang babaeng pasyente na bed ridden na sa kanilang bahay matapos na magkaroon ng komplikasyon sa panganganak, pinuntahan mismo ni Pastor Ron.
Matapos din niya itong dasalan, hawakan sa ulo at tapik-tapikin, ang babae, nakabangon at gumaling umano.
Samantala, tatlong buwan na raw na hindi nakakatayo at nakakalakad ang isang 75-anyos na lalaki makaraang madiskaril na buto nito sa baywang.
Binuhat siya ng mga tao at dinala kay Pastor Ron para ipagamot. Gaya ng ibang pasyente, dinasalan siya ng pastor at tinapik-tapik. Ilang saglit pa, muli na siyang nakalakad.
Naniniwala si Pastor Ron na ginagamit lang siyang instrumento ng Diyos para manggamot. Wala umanong bayad ang kaniyang ginagawa.
Pag-amin niya, dati siyang pasaway at patapon ang buhay.
"Nabilanggo ako dati, drug addict din ako dati," sabi ni Pastor Ron.
Pero noong taong 2020, nagkaroon siya ng karamdaman at nahirapang huminga.
"Nung ako na ang nagkasakit I realized that I am nothing without God," sabi niya. Doon na siya napalapit sa Diyos at hiniling na gamitin siya para manggamot ng mga maysakit.
Tila nalaman naman niya ang kasagutan nang minsan mahirapang humingi ang isa niyang kasamahan sa bible study.
Ginawa niya rito ang kaniyang nabasa na pagpatong ng palad sa ulo ng maysakit, at nakita niyang bumuti ang kalagayan ng kaniyang kasamahan. Mula noon, sunod-sunod na ang pagdating ng mga taong nais magpagamot sa kaniya.
Ginagawa ni Pastor Ron ang kaniyang panggagamot sa kaniyang bahay na tinatawag na "Little Heaven." Pero sa isang maramihang panggagamot, isinagawa niya ito sa isang basketball court.
Maaga pa lang, maraming tao na ang dumating. Binigyan sila ng papel kung saan inilalagay ng mga pasyente ang kanilang karamdaman.
Pero bago simulan ni Pastor Ron ang gamutan, nagdasal muna sila. Matapos nito, isa-isa na niyang nilapitan ang mga tao. Ang iba, natutumba matapos niyang dasalan at tapikin, at mayroon ding kailangan ilublob sa tubig na nasa drum.
Nakausap ng KMJS team ang mga pasyenteng nakita sa video na napagaling umano ni Pastor Ron. Totoo nga kayang tuluyan na silang gumaling?
Tunghayan ang kanilang mga testimonya at ang pananaw ng mga alagad ng medisina at simbahan tungkol sa ganitong mala-himalang gamutan. Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News