Nagiging pangkaraniwan na umano sa ilang lugar sa India na may napapadpad sa labas ng gubat ang mga leopard. Gaya nang nangyari sa isang leopard na pumasok sa isang bahay na may bata sa loob.
Sa video na mapapanood sa GMA Integrated Newsfeed, makikita ang 12-anyos na lalaki na naglalaro habang nakaupo sa sofa na nasa gilid ng pintuan.
Maya-maya lang, isang malaking leopard ang dire-diretsong pumasok at mabuting hindi napansin ang bata na nasa sofa.
Naging kalmado naman ang bata at hinayaan na pumasok ang hayop. Nang makakuha ng tiyempo, marahan siyang lumabas ng bahay at isinara ang pinto para makulong sa loob ang leopard.
Nang nasa labas na, humingi ng saklolo ang bata at ligtas na nahuli ng mga awtoridad ang leopard.
Sa isang insidente pa, tumawag din ng saklolo ang mga residente sa Rajasthan nang makita nila ang isang leopard na paga-gala sa kanilang lugar.
Umaksyon naman ang mga tauhan ng kanilang Forest Department at pinaligiran nila ang leopard habang may bitbit na net upang mahuli ang hayop.
Pero dahil sa bilis, lakas at bangis, lumaban ito at nakasugat sa isang nagtangkang humuli sa kaniya bago kumaripas ng takbo patungo sa kakahuyan.
Ayon sa Forest Department, tumataas ang bilang ng mga insidente na nakakapunta sa lugar ng mga tao ang mga leopard.
Sa ilang pagkakataon, may mga nasasawi.
Sinabi rin ng kanilang Union Environment Ministry na lumobo ang populasyon ng leopard sa kanila.-- FRJ, GMA Integrated News