Kahit walang paningin, sumisisid sa binungkal na lupa na pinuno ng tubig ang isang ama sa Paracale, Camarines Norte para magmina o maghanap ng ginto. Ang buwis-buhay na hanapbuhay, gagawin niya para maitaguyod ang pangangailangan ng kaniyang pamilya, lalo na ang pag-aaral ng anak.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing "bosero" ang tawag sa mga katulad ng 52-anyos na si Vino, na naninisid ng binungkal nilang lupa na mistulang balon na pinupuno nila ng tubig.
Sadya kasing mayaman sa ginto ang lupa sa Paracale kaya small scale mining ang ikinabubuhay rito ng maraming residente.
Ang compressor ang kanilang gamit para makahinga sa malalim at maputik na tubig. Kung magkakaroon ng problema ang compressor o ang manipis na hose na nakakabit sa kanilang bibig, maaari silang mamamatay.
"Kapag kami ay lumusong sa balon, kahati ng katawan namin nasa hukay na," sabi ni Vino.
Kahit peligroso, ginagawa ito ni Vino para sa kaniyang asawa at anak na gusto niyang makatapos ng pag-aaral.
"Ayokong maranasan niya itong nararanasan ko," sabi pa niya.
Para makarating sa lugar kung saan sila maghuhukay ng kaniyang kasama, inaalalayan si Vino ng kaniyang asawa sa paglalakad.
Dating nakakakita si Vino. Pero noong 2018, nabulag siya matapos magkaroon ng glaucoma, na hinihinalang niyang pinalubha ng kaniyang pagsisid sa pagmimina.
"Yung paningin ko po parang nagra-rainbow," kuwento niya, hanggang sa tuluyan na siyang hindi nakakita. "Pagka-gising ko parang wala na akong nakikita. Ang naiisip ko [noon] parang gusto ko nang magpakamatay. Wala na akong silbi."
Kapag sumisisid, sinabi ni Vino na nalalagyan ng putik o buhangin ang kaniyang mga mata.
At dahil sa kaniyang kapansanan, kung minsan ay naloloko siya ng iba niyang kasama sa pagmimina pagdating sa hatian sa maliit nilang kita.
Ang kanilang sistema sa pagmimina, pumipili sila ng lokasyon na kanilang huhukayin. Kapag nabungkal na ang lupa, pupunuin nila ito ng tubig hanggang sa patuloy na lumalim ang hukay.
Ang lupa na kanilang makukuha, kanilang sasalain upang tingnan kung may nakuha silang ginto.
Paaano kaya pinipili nina Vino ang lupa na kanilang huhukayin? May pag-asa pa kayang maibalik ang kaniyang paningin? Alamin ang buong kuwento ng masigasig na amang si Vino sa video na ito ng "KMJS." Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News