Naaliw at kinilig ang mga netizen sa mala-Cinderella story sa paghahanap sa may-ari ng isang naiwang sapatos sa isang overpass sa Baguio City nang samahan pa ito ng tula.

Sa ulat ng Saksi, sinabing natagpuan ng isang “knight in shining armor” na Public Order and Safety Division Enforcer ang naiwang itim na sapatos.

Naging malikhain ang mga opisyal, nang ihalintulad nila sa paghahanap kay Cinderella ang paghahanap sa may-ari nito.

Humanga ang mga netizen sa husay ng tula na inilagay sa paghahanap sa may-ari ng sapatos:

A lone sole seeks its missing mate,

A crimson kiss upon its fate.

Four inches high, a daring stride,

Size forty-one, where could it hide?


“Kasi noong nakita ko, tinignan ko, bago pa. Sabi ko baka may maghanap nito, at saka mamahalin ‘yung sapatos,” sabi ni POSD Enforcer Assistant Team Leader Emerito Cariño.

Napag-alaman na ang hepe nila na si Daryll Longid ang may-akda ng tula.

Nitong nakaraang taon, magkaroon din sila ng isang viral na kuwento tungkol sa paghahanap ng may-ari ng naiwang gamit.

Naisip ni Longin na tapatan ito.

“It came to me na why not come up with another Cinderella Story, 2.0. Make it more interesting. My only experience of creating poems were the cheesy ones I wrote for my wife then,” sabi ni Longid.

Hindi naman nasayang ang kanilang effort dahil natagpuan nila ang hinahanap nilang "Cinderella," na si Pamela Stephen, isang estudyante mula sa Nigeria.

“I actually lost my shoe on Sunday when I was coming back from church. At first I gave up because I was like, I'm not going to see the shoes. I was sleeping in the morning and then a friend of mine sent me a message,” sabi ni Stephen.

Maging si Stephen ay na-in love sa tula.

“I read it, I read it, I read it again. So I was smiling,” sabi niya.

At siyempre, idinaan din sa tula ang happy ending sa paghahanap ng may-ari ng sapatos:

Oh, lonesome slipper, thy owner we sought

Our dauntless pursuit was not for naught

At long last, the rightful claimant has come hither

To reunite the left to the right slipper


-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News