Kailan nga ba puwedeng mag-file ng petisyon sa korte ng "presumptive death" ang asawa kung biglang nawala o hindi na nakita ang kaniyang kabiyak? At papaano rin kaya kung pagkaraan ng maraming taon ay bigla itong nagpakitang muli?
Sa segment na #AskAttyGabby, may nagtanong kung puwede na bang magpakasal muli ang isang tao kung 11 taon na silang hindi nagsasama ng kaniyang asawa.
Paliwanag ni Atty. Gaby Concepcion, kahit matagal nang kasal ang isang tao, hindi siya maaaring magpakasal muli maliban na lang kung napawalang bisa na ng korte ang una niyang kasal, o namatay ang kaniyang asawa.
"Hangga't hindi naa-amyendahan ang batas natin, o nakakaroon ng divorce, kahit na 100 taon pa kayong hiwalay ay mananatili kayong kasal, unless magkaroon kayo ng annulment o declaration of nullity para mapawalang bisa ng korte ang inyong kasal," paliwanag niya.
Ngunit kung bigla namang nawala ang asawa, sinabi ni Atty. Gaby na may tinatawag na "presumptive death" sa ilalim ng Article 41 ng Family Code of the Philippines, na maaaring ilabas ang korte kung sakaling hindi na nakita o hindi na alam ng kabiyak kung buhay pa ba o patay na kaniyang asawa.
"Sumakay ng barko, lumubog ito, pero hindi nakita ang katawan, (o kaya naman) umalis papuntang opisina at hindi na bumalik ulit na parang nakidnap pero walang humingi ng ransom, at hindi niyo talaga alam kung nasaan o kung buhay pa ito o patay na," halimbawa ni Atty. Gaby.
"Puwede niyo i-file ito (presumptive death) after two years, kung in danger of death ang pagkawala," ayon sa abogada. "Apat na taon 'pag walang danger of death pero biglang naglaho at walang proof of life."
Kung makakakuha ng deklarasyon ng presumptive death ang asawa, maaari na siyang magpakasal muli.
Pero papaano naman kung nagpakasal na muli ang kabiyak ngunit bigla namang bumalik ang kaniyang asawa na inakala niyang patay na?
"Kapag biglang bumalik ang asawa niyo at mag-file ng reappearance, immediately walang bisa ang ikalawang kasal ninyo at buhay ang unang kasal," ayon kay Atty. Gaby.-- FRJ, GMA Integrated News