Patay ang isang rider matapos mag-counter flow at bumangga sa kasalubong na sasakyan sa Skyway Stage 3 na sakop ng Balintawak, Quezon City. Ang insidente, nahuli-cam.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, makikita na tumilapon ang rider na walang suot na helmet nang bumabangga sa isang sasakyan nitong Linggo ng umaga.
Dinala siya sa ospital pero binawian din ng buhay pagkaraan ng ilang oras.
Sa inilabas na pahayag ng Skyway, sinabing nanggaling ang motorsiklo sa A. Bonifacio Avenue, at umakyat ng off ramp ng Skyway north bound na pababa ng NLEX.
Makikita sa CCTV footage na sinubukan siyang harangin ng bantay sa expressway pero hindi tumigil ang rider na mabilis ang takbo.
Bukod sa bawal ang uri ng motorsiklo ng rider sa Skyway na 150cc lang, nasa 80kph umano ang arangkada nito gayung 60kph ang nakatakdang speed limit.
Lumalabas din sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nakainom umano ang rider.
"Nakita po natin na wala po siyang helmet na dala na gamit during that time," sabi ni Police Captain Jun Cornelio Estrellan, hepe ng HPG-SLEX Sub Office.
Wala rin umanong lisensya ang rider.
Kahit nasa tamang daan ang driver ng nakasalpukang sasakyan na bahagyan nasugatan, ipinagharap pa rin siya ng HPG ng reklamo piskalya ng Quezon City.Gayunman, naghain umano ng affidavit of desistance sa piskalya ang kaanak ng nasawing rider.
Paalala ng mga awtoridad, tanging 400cc lamang pataas ang uri ng mga motorsiklong maaari dumaan sa mga expressway.
Ayon sa ulat, tumanggi na ang driver ng nakabanggaang sasakyan na magbigay ng pahayag. Hindi na rin nagbigay ng pahayag ang kaanak ng nasawing rider.-- FRJ, GMA Integrated News