Bukod sa marmol at naggagandahang white sand beach, hitik din sa yamang-dagat ang lalawigan ng Romblon. Gaya ng "liswi," na isang uri ng suso na masustansiya na mistulang "pinupulot" sa ilalim ng dagat. Ang perfect na luto rito, ginataan.
Sa programang “Dapat Alam Mo!,” sinabing tinatawag ding susong pilipit ang liswi dahil sa hitsura ng shell nito na pilipit.
Ayon sa historian na si Hipolito Berano, makikita ang liswi sa mga malilinis na dagat, at nabubuhay sa sea grass o mga damo o halaman sa ilalim ng dagat.
Hindi nawawalan ng liswi sa Romblon sa buong taon, sabi pa ni Hipolito.
Ang mga residente sa isla ng Cobrador sa Sitio Maracay-racay, maagang gumigising para manisid ng liswi.
Isa ang pamilya ni Fe Manzalay sa mga sumisisid at nagluluto ng ipinagmamalaking liswi.
Sa isang oras, nasa isang kilo ng liswi ang kanilang nakukuha. Ang ibang nakukuha nila, kanilang inuulam.
Kung bibilhin sa Romblon, ang isang takal ng liswi ay nagkakahalaga ng P80. Kung luto na, aabot na sa P120 ang presyo nito.
Bago lutuin, pinupukpok muna ang bahagi ng liswi shells gamit ang kutsilyo para mabawasan ang talim nito.
Matapos nito, huhugasan ito ng dalawang beses para malinis. Pagkaraanng 15 minuto, luto na ang ginataang liswi.
Ayon sa registered dietitian nutritionist na si Annie Antonio, ang liswi shells ay mayaman umano sa protina at mineral. -- FRJ, GMA Integrated News