Sobrang kalupitan ang inabot ng isang babae sa Tarangnan, Samar na ginahasa, pinatay, sinunog, pinagputol-putol ang katawan, at itinapon pa sa dagat.
Sa ulat ni Alan Domingo ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa GMA News "Saksi" nitong Lunes, sinabing isang mangingisda ang nakakita sa lumulutang na sako noong Sabado.
Ipinagbigay-alam ng mangingisda sa mga awtoridad ang nakitang sako, at nang buksan, tumambad ang putol-putol na parte ng katawan ng tao, kabilang ang sunog na putol na ulo.
Sa pag-iimbestiga ng mga awtoridad, natukoy ang pagkakakilanlan ng 31-anyos na biktima na residente ng Barangay Cahunghan, na iniulat na nawawala noong Biyernes.
Inihayag naman ng punong barangay na bago ang insidente, may nakita rin silang sunog na katawan malapit sa tabing dagat sa ilalim ng mga puno.
Isang lalaki ang inaresto kaugnay sa karumal-dumal na krimen at inamin nito na hinalay din niya ang biktima.
Ayon sa suspek, inabangan niya ang biktima at himampas ng matigas na bagay na dahilan para mawalan ito ng malay.
Iniwan umano niya ang biktima at binalikan kinalaunan at kaniyang ginahasa.
Sinabi ng suspek na nagawa niya ang krimen dahil sa labis na kalasingan.
Mahaharap sa kasong murder ang suspek.-- FRJ, GMA Integrated News