Sa isa niyang Instagram post, inilahad ni Ricci Rivero na si Leren Mae Bautista ang kaniyang “the right one.” Hahantong na kaya ito sa pamamanhikan at kasal?
“Sana Tito Boy. Kinakabahan ako pero sana,” tugon ni Ricci ng tanungin sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Biyernes.
“Nakakakaba rin siya Tito Boy at some point eh,” pagpapatuloy ni Ricci.
Tugon naman ni Leren, “Same feeling, nakakakaba. Kasi it’s a big commitment.”
Gayunman, inilahad ni Ricci na may napag-usapan na sila ni Leren tungkol sa engagement o kasal.
“Kami Tito Boy may mga napag-usapan na rin kami, even ‘yung friends namin na na-engaged or nagpaplano ng kasal. Same kami na hindi naman siya doon sa tagal or what,” anang basketball player.
Paliwanag pa ni Ricci, mararamdaman ng dalawang magkarelasyon ang isa't isa at kung gaano kalalim ang kanilang pagsasamahan.
"Mayroon din kasi siyempre, kunwari masaya kayo ngayon. Pero what if may challenges, how do you guys deal with that, and how badly you want to make it work,” ani Ricci.
“Doon mo naman mapi-feel kung, ito magwo-work ito kahit na anong mangyari, kahit magkaroon kami ng problems or what,” patuloy niya.
Si Leren naman, sinabing walang problema sa kaniya ang long engagement o short engagement.
“At this moment, tama rin. Kung ma-feel mo na rin talaga na okay ka na with your partner, I think hindi naman kailangan ng long engagement, as long as kailangan pagbutihin niyo rin ang relationship. Kasi hindi naman palagi okay, hindi naman palagi masaya,” anang beauty queen at Los Baños Municipal Councilor.
“Feeling ko naman ang long o short engagement depende ‘yun sa kung ano ang gusto talaga. But for me, kahit ano naman doon, basta ramdam naman namin and napag-usapan naman kung ready na ba talaga kami to really commit,” pagpapatuloy ni Leren.
Inilahad nina Ricci at Leren ang leksiyong natutunan nila pagdating sa pag-ibig.
“Hindi niyo kailangan madaliin Tito Boy. Hindi niyo rin naman kailangan intentionally i-delay. Basta go with the flow kayo, pero andoon 'yung intent of getting to know each other more,” sabi ni Ricci.
“Kasi kahit gaano katagal ‘yan, ang sabi nga kapag may nakakausap tayong mga matatanda, kahit ‘yung mga lolo at lola natin may mga bago pa rin silang natututunan sa isa't isa, hindi siya nag-stop. May mga ayaw pa rin tayo na gagawin ng partner natin na first time nating makikita kahit sobrang tagal niyo na,” pagpapatuloy ni Ricci.
Ang mahalaga umano ay kung papaano magiging maunawain ang isa't isa para malampasan kung ano man ang kanilang pagdadaanan.
Binigyang halaga rin ni Leren ang komunikasyon ng isa't isa para sa isang relasyon.
“It’s more on focusing on how you communicate with each other. Kasi magkaibang tao pa rin, may iba’t iba kaming gusto talaga, may mga hindi kami pagkaka-intindihan, may parehas naman kaming naiintindihan din. So ‘yun ang kailangan talagang matutunan, ‘yung communication din talaga,” paliwanag ng konsehala.
“And of course ‘yung choice din to stick with your partner kahit anong mangyari, despite sa mga hindi pagkakaintindihan, sa challenges and saya rin na palaging nae-experience niyo rin, iche-cherish din lahat ng ‘yun. Choice pa rin to be your partner, kung ano man ang mangyari,” dagdag ni Leren.
Kinumpirma ni Ricci ang relasyon nila ni Leren noong Oktubre 2023 matapos silang mamataang nanonood ng UAAP Basketball game na magkasama.
Ipinagtanggol ni Ricci si Leren noon na hindi siya ang third party sa hiwalayan nila ni Andrea Brillantes.--FRJ, GMA Integrated News