Naglabas ng maigsing pahayag ang singer-actor na si Janno Gibbs kaugnay sa biglaang pagpanaw ng kaniyang ama na si Ronaldo Valdez.
"It is with great sorrow that I confirm my father's passing," saad ni Janno sa Instagram post.
Humiling ang kaniyang pamilya ng pang-unawa mula sa publiko na irespeto ang kanilang privacy "in our grieving moment."
"Your prayers and condolences are much appreciated," sabi pa ni Janno.
Nagpahayag naman ng pakikidalamhati ang netizens at mga showbiz personalities sa pagkawala ng veteran actor.
Kabilang sa mga nagpaabot ng pakikiramay sina Donita Rose, Mark Bautista, Rocco Nacino, at Arnold Clavio.
Tumagal nang halos limang dekada ang karera ng aktor sa showbiz na napanood sa mga pelikula at telebisyon.
Hinangaan ang kaniyang versatility dahil sa husay niya sa drama at comedy, at sa mga pagganap niya bilang bida, at kontrabida.
Sa social media, nauna nang ipinaalam nina Janno at Ronaldo ang tungkol sa pelikula na kanilang ginagawa at nakatakdang ipalabas sa mga sinehan sa Enero 2024.
Ang nasabing pelikula ang kauna-unahang directorial job ni Janno.
Sa naunang mga post, inilahad ni Janno ang kaniyang kagalakan na mai-direk ang kaniyang ama.
Tumugon naman dito ang kaniyang ama sa comment section at sinabing, "Tnk U, Son! U Do Me Proud!! Luv Ya!!"
Nitong Linggo nang iulat ng Quezon City Police Department ang pagkamatay ng 76-anyos na si Ronaldo sa isang bahay sa Quezon City.
Napatanong ang ilang netizens kung ano ang nangyari sa beteranong aktor at kung bakit nanggaling sa pulisya ang impormasyon tungkol sa kaniyang pagpanaw.— FRJ, GMA Integrated News