Posibleng abutin muli ng isang dekada bago muling maging tila isang pambihirang ice skating rink ang Rabbit Lake sa Alaska, USA. Ang lawa, nagyelo ang ibabaw, habang malinaw na malinaw na makikita ang nasa ilalim.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing isa ang grupo ng ice rescue instructor na si Luc Mehl, sa mapalad na nakapag-skate sa Rabbit Lake, na nagyelo ang ibabaw dahil sa sobrang lamig ng panahon doon.
Ayon kay Mehl, sinuri muna nila ang kapal ng yelo sa ibabaw na nasa 10 cm na kayang suportahan ang pag-skate ng tao.
"I never experienced that in the 12 years that I've been doing this," saad ni Mehl.
Mula sa ibabaw, makikita naman ang ilalim ng lawa ng tatlo hanggang apat na metro. Nakadagdag sa ganda nila ang malalaking bato sa ilalim.
"The lake bottom doesn't have any vegetation. And it's rock instead of soil. And so the water is really clear," dagdag niya.
Ayon kay Mehl, tumagal ng isang linggo ang naturang "ice window" at na-enjoy ang kakaibang skating rink.
"It's gone. That window lasted about a one week and now we've got 2 feet, 50 cm snow over everything," aniya.
At dahil inabot ng isang dekada bago nangyari ang naturang "ice window," hinala ni Mehl, baka abutin muli ng isang dekada bago ito muling maulit. --FRJ, GMA Integrated News