Gumawa ng modus ang isang babae na may inilagay sa pagkain at saka nag-eskandalo para hindi nila bayaran ng kaniyang kasama ang kanilang inorder na pagkain sa isang restaurant sa England na nagkakahala lang ng £12.95 o katumbas ng mahigit P800.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa CCTV footage sa loob ng isang restaurant sa Blackburn, England ang suspek at ang kaniyang kasama na nagbubulungan.
Sa pagkakataong iyon, nagpaplano na pala ang dalawa ng kanilang gagawin taktika para hindi bayaran ang kanilang kinain na umabot sa £12.95 o katumbas ng mahigit P800 ang halaga.
Maya-maya pa, pasimple nang bumunot ang babae ng kaniyang buhok at saka inilagay sa tirang pagkain ng kaniyang kasama.
Ayon sa may-ari ng restaurant na si Tom Croft, nag-eskandalo ang babae kaya napilitan silang huwag nang pagbayarin ang dalawa.
Para malaman kung saan nagkaroon ng pagkukulang kanilang staff sa paghahanda ng pagkain dahil unang beses itong nangyari sa kanila, ipinasuri ni Croft ang security camera sa resto, at doon na nila nalaman na na-modus sila.
"I was disgusted and very angry. We've not had anything happen like this before, " ani Croft. "There are people out there that are willing to put a business' reputation and staff's job at risks for a £12.95 meal ."
Ipinagmamalaki ni Croft na mayroong 5-star rating ang kanilang restaurant pagdating sa kalinisan at food safety, na limang taon na nilang iniingatan.
Ipinost ni Croft sa kanilang social media page ang insidente para mabigyan ng babala ang iba pang establisimyento laban sa mga taong gagawa ng katulad na modus. --FRJ, GMA Integrated News