Madaling-araw noong Setyembre 4, isang babaeng nakaputi at mahaba ang buhok ang pumara sa taxi ni Jerico Gapuz sa Loakan Road sa Baguio City. Sa kuha ng video mula sa kaniyang cellphone, makikita na bumukas at sumara ang pinto ng taxi sa likod pero wala namang tao na makikitang sumakay.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing iniiwasan ng ilang motorista at mga driver ang Loakan Road dahil sa umano'y multo ng babaeng nagpaparamdam o nagpapakita sa lugar.

Ayon kay Gapuz, hindi niya nakita ang mukha ng babaeng pumara sa kaniya pero mahaba umano ang buhok nito at puti ang kasuotan.

"Hindi masyadong katangkaran, tapos yung damit niya white. Isinakay ko," sabi ni Gapuz tungkol sa misteryoso niyang pasahero na nagpahatid umano sa Scout Barrio.

Pero nang umarangkada na ang kaniyang sasakyan, tumingin si Gapuz sa salamin at nangilabot siya nang malaman niya na wala siyang sakay.

Sa aktuwal na kuha ng video mula sa kaniyang cellphone, makikita na bumukas ang pintuan ng taxi at nagsara. Pero walang tao na makikitang sumakay.

Ngunit ayon kay Gapuz, nakita niyang sumakay ang babae at tinanong niya ito kung saan magpapahatid.

Aminado rin si Gapus na may mga nagdududa sa naturang video niya, at nag-iisip na baka may tali ang pinto. Ngunit nanindigan siya na totoo ang kaniyang nakuhanan.

Dahil sa nangyari, hindi na raw siya dadaanan sa Loakan lalo na kung mag-isa lang siya.

Ayon sa mga kuwento, isang babae ang ginahasa at pinatay umano ng taxi driver sa Loakan. Kaya naman daw sa mga taxi driver ito madalas na nagpapakita o nagpaparamdam.

Gayunman, inihayag ng kapulisan na batay sa kanilang rekord, may dalawang insidente ng panggagahasa na nakatala sa kanila sa lugar pero pawang buhay ang mga biktima.

Sakay ng taxi, binalikan ni Gapuz ang lugar kung saan niya naisakay ang umano'y white lady.  Kasama niya sa taxi ang paranormal investigator na si Ana Dela Cruz.

Habang papalapit pa lang sa lugar, nakaramdam na si Ana ng matinding sakit na mula sa nagpaparamdam na babae, na mayroon umanong dugo sa mukha.

Ano nga ba ang dahilan at nagparamdam ang pinaniniwalaang white lady, at bakit ito sumakay sa taxi ni Gapuz?  At ano kaya ang puting pigura na nakuhanan ng video ng "KMJS" team habang binabaybay din nila ang Loakan Road sa dis-oras ng gabi. Panoorin ang buong kuwento sa video. --FRJ, GMA Integrated News