Inihayag ng Kapuso star na si Sanya Lopez na gusto niyang makilala ang aktor na si Joshua Garcia.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda," nitong Huwebes, isinalang ng King of Talk si Sanya sa segment na "Pick and Talk."

Sa umpisa, pinapili ni Tito Boy si Sanya sa larawan nina Alden Richards at Joshua. Bagaman nahirapan pumili, pinili ni Sanya si Joshua.

BASAHIN: Alden Richards o Joshua Garcia?: Sanya Lopez, pinili si Joshua

Dito, ipinaliwanag ni Sanya kung bakit niya pinili ang "Unbreak My Heart" actor.

“Kasi si Joshua parang nung una ko siyang nakita sa 'Unbreak My Heart' nila sa isang mall, very genuine and parang kinausap niya ako, parang kasama niya 'yung mga relatives niya na [sabi niya] 'Pwede pong magpa-picture?," kuwento ng aktres.

“'Yung siya 'yung lumapit sa akin para sabihin niya sa akin na, 'Pwede bang magpa-picture 'yung family ko? Sabi ko, 'Oo naman, 'no?!' Parang ako pa 'yung nahiya sa kanya,” patuloy niya.

“So 'yun pa lang, parang feeling ko, magiging okey kami pag magkasama. Parang wala kaming dull moments agad,” dagdag pa ng aktres.

Sumunod naman na pinapili si Sanya sa mga larawan nina Ken Chan at David Licauco."

Si Ken naman ang pinili ng aktres dahil sa matagal na niya itong kaibigan mula pa noong nagsisimula sila sa programang "Walang Tulugan."

Makaraan nito, pinapili naman si Sanya kina Joshua at Ken, at si Joshua ang pinili ng aktres.

“Sige, si Joshua po. Sorry, Ken,” natatawang sabi ni Sanya.

Paliwanag ni Sanya kung bakit si Joshua, “Si Ken, well, kung si Ken po kasi… marami na 'kong alam kay Ken. Unlike kay Joshua, gusto ko siyang makilala. Pa'no ba siya sa tunay na buhay. 'Yung bilang tao, hindi bilang artista.”

Ayon pa sa aktres, "very mysterious guy” ang tingin niya sa aktor. Pabor naman si Tito Boy sa desisyon ng pagpili ni Sanya.

“That moment, 'yung sinabi mo kanina. Napaka-interesting. That was special and that told you of who he was, who he is. That's quite interesting for two people who are not very close,” saad ni Tito Boy.

Ayon kay Sanya, fan siya ng isang tao na very humble.

Hangad naman ni Tito Boy na makita sa isang proyekto ang dalawa.

“I'm looking forward din, Tito Boy. Sana. Napakahusay nilang artista po,” tugon ni Sanya. --FRJ, GMA Integrated News