Sa segment na "Pick and Talk" ng "Fast Talk with Boy Abunda," pinapili si Sanya Lopez sa pagitan ng most eligible bachelors ng Philippine showbiz na sina Alden Richards o Joshua Garcia. Alamin kung bakit pinili ng Sparkle actress si Joshua.

Sa episode ng naturang show nitong Huwebes, wala namang sinabing dahilan si Tito Boy kung para saan gagawing pagpili ni Sanya sa dalawang aktor.

Gayunman, nahirapan si Sanya na magdesisyon. Pero sa huli, nagpasya ang aktres na ang "Unbreak My Heart" actor ang piliin.

"Piliin ko muna si Joshua Garcia," saad niya, bagay na tinanong ni Tito Boy kung bakit si Joshua.

Kuwento ni Sanya, nagkita sila ni Joshua sa premiere ng "Unbreak My Heart" sa isang mall at nakita niya ang pagiging humble ng aktor.

Sabi ni Sanya, lumapit sa kaniya si Joshua at nagtanong kung puwedeng magpa-picture sa kaniya ang mga kasama nitong kamag-anak.

"Siya 'yung lumapit sa'kin para sabihin na, 'Pwede ba magpa-picture 'yung family ko?,' na ako pa 'yung nahiya," natatawa niyang kuwento.

"So 'yun pa lang, parang feeling ko magiging OK kami 'pag magkasama, parang wala kaming dull moments agad," ayon sa aktres.

Samantala, sa isa pang pares ng aktor na si Ken Chan at David Licauco, pinili naman ni Sanya si Ken.

"Bakit si Ken," tanong ni Tito Boy.

"Si Ken kasi matagal ko nang kaibigan si Ken, kilalang-kilala ko na siya. Nung 'Walang Tulugan' pa po namin, kami na yung sobrang closed. Halos wala yata akong maitago kay Ken Chan. Very totoong tao rin po. Everytime na magkasama kami pinag-uusapan namin kung saan kami nanggaling palagi. Yung ini-inspire namin yung isa't isa," paliwanag niya. --FRJ, GMA Integrated News