Nagmula sa Negros Oriental ang paranormal investigator na si Ed Caluag. Bata pa lang, nakakakita na raw siya ng mga kaluluwa at kakaibang nilalang na hindi nakikita ng ibang tao. Biyaya ba o isang sumpa ang taglay niyang "kapangyarihan?"

Sa programang "I-Juander," ikinuwento ni Ed na nagkaroon siya ng sakit na polio noong bata pa lang siya. Dahil dito, naging limitado noon ang kaniyang mga galaw. At nang gumaling sa kaniyang sakit, nagsimula na siyang makakita ng mga elemento at iba pang nilalang na hindi nakikita ng karaniwang mga mata.

Ang akala ni Ed noon, ang mga kababalaghan ay nangyayari lang sa kanilang lugar. Ngunit nang lumipat sila sa Bulacan, patuloy siyang nakakakita ng mga elemento, maging ng mga kaluluwa.

Hanggang sa dumating na rin ang pagkakataon na nanaginip siya ng mga mangyayari pa lang. Kabilang sa kaniyang napanaginipan ang pagpanaw ng kaniya mismong ama.

May mga kaluluwa na rin na nakikipag-usap sa kaniya para siya ang maging tulay ng mga nais nilang sabihin sa kanilang mga naiwang mahal sa buhay.

Unti-unti, pinaghusay na ni Ed ang kakaibang kakayahan na kaniyang taglay.

Itinigil na rin niya ang pagiging guro.

Kung mayroon man magandang naidulot sa kaniya ang kaniyang kakaibang kakayahan, ito umano ay ang makatulong sa iba.

Gayunman, kung siya ang masusunod, ayaw niyang maipasa sa iba niyang mahal sa buhay ang kakaiba niyang kakayahan dahil baka hindi nila umano kayanin.

Nang tanungin kung sumpa ba o biyaya ang kaniyang kakaibang kakayahan, tugon ni Ed, "Sa ngayon po ina- acknowledge ko as a gift. Sa iba puwedeng sabihin sumpa kasi kung hindi mo gagampanan."

"Kung hindi mo siya i-i-embrace, magiging sumpa mo talaga. Dahil ang hirap pong matulog kasi mayroon time na matutulog ako pagdilat ko may nakaganyan sa mukha ko [nakatapat] o kaya mayroong nasa gilid ko," paliwanag niya.

Pero kung bibigyan ng pagkakataon, nais kaya ni Ed  na mawala ang kakaiba niyang kapangyarihan at maging isang "karaniwang" tao na lang? Alamin ang kaniyang sagot sa video na ito ng "I-Juander." --FRJ, GMA Integrated News