Laking gulat at napasigaw ang isang lalaki sa Texas, USA nang biglang gumalaw ang "bagay" na nakalubog sa inidoro na isa palang ahas.

Sa video ng GMA Integrated News, sinabing nangyari ang insidente sa kuwarto ng isang lodge sa Texas.

Pagka-angat ni Campbell Quinton ng toilet cover, tumambad muna ang katawan ng ahas.

Maya-maya lang, unti-unti na itong gumalaw hanggang sa makita ang ulo at gumapang para maalis sa inidoro.

Tinangka ni Quinto na i-flush ang inidoro para mahigop papasok ang ahas pero nabigo siya. Sa halip, lalo pang nagpursige ang ahas na makaalis at nagawang makasampa sa pinakaupuan nito.

Nasindak man sa nangyari, naging maayos naman daw ang lahat para kina Quinto at sa ahas.

Pero sa Colorado, USA, kinailangan isailalim sa euthanasia o mercy killing ang isang malaking oso na nakapasok sa kusina ng isang hotel.

Sa video, makikita na papaalis na ang oso at sinundan siya ng guwardiya.

Ngunit bumalik ang oso at inatake ang guwardiya na tumilapon matapos na tila itulak siya ng hayop.

Ayon sa mga awtoridad, nahuli ang hayop pero kinailangang isailalim sa euthanasia dahil sa pagiging agresibo nito. --FRJ, GMA Integrated News