Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, tinanong ang komedyanteng si Empoy Marquez kung nagkagusto ba siya sa kanilang leading lady na si Alessandra de Rossi, at kung pinorpormahan niya ngayon ang "Bubble Gang" babe na si Analyn Barro.

Sa nasabing episode, kasama ni Empoy bilang guest ang kapuwa niya komedyante na si Jayson Gainza, na co-star din sa upcoming TV series na "Black Rider," na pinagbibidahan ni Ruru Madrid.

Sa isang bahagi ng panayam sa dalawa, napag-usapan kung sino sa kanila ang mas habulin ng babae, at itinuro ni Jayson si Empoy.

BASAHIN: Jayson Gainza, sinabing mas habulin ng chicks si Empoy Marquez

Ginawa pang halimbawa ni Jayson ang nangyari sa nakaraang GMA Gala, pero pilit na pinipigilan ni Empoy ang kaibigan na magkuwento.

Kaya naman kinumusta ni Tito Boy ang love life ni Empoy ngayon.

"Ok naman po, looking for someone," saad ng komedyante. 

Sa segment na Fast Talk, tinanong ni Tito Boy kung sino ang isasama ni Empoy sa food trip, at dito na sumingit sa pagsagot si Jayson at sinabing, "si 'Analyn.'"

Bagaman hindi pa malinaw kung sino si "Analyn," sinabi ni Jayson na kinurot siya ni Empoy na pahiwatig na 'wag nang sabihin kung sino ang babae.

Pero nang mag-usisa si Tito Boy kung sino si "Analyn," tumayo si Empoy at hinatak si Jayson, at pabirong sinabi na tapos na ang guesting nila.

Hindi na pinilit ni Tito Boy na alamin kung sino si "Analyn," pero naungkat muli ang pangalan nito nang tanungin si Empoy kung sino sa mga Kapuso actress ang sa tingin niya ay bagay sa kaniya na maging leading lady.

Muling sumingit si Jayson sa pagsagot at natatawang sinabi na si: "Analyn Barro."

Sunod na tinanong kay Empoy kung nagkagusto ba siya noon kay Alex o Alessandra na nakatambal niya sa "Kita Kita" at "Walang Kaparis."

"Hindi po, kapatid po turing ko do'n," sagot ni Empoy.

Nang matapos ang naturang segment, may kinausap si Tito Boy sa telepono na sinabi niyang si Analyn.

Ipinaalam din ni Tito Boy sa kausap niya sa telepono na inamin ni Empoy na may crush ito sa kaniya. Pero naging sandali lang ang pag-uusap nila dahil nasa taping umano si Analyn.

Matapos ang naturang pag-uusap sa telepono, tinanong ni Tito Boy si Empoy kung kasama at ka-date niya si Analyn sa naturang GMA Gala, na sinasabi ni Jayson.

Dito na napakuwento si Empoy at sinabing hindi sa GMA Gala kung hindi sa premier ng movie nina Alden Richards at Julia Montes na "5 Breakups and A Romance," sila nagkasama ni Analyn.

Tinanong ni Tito Boy si Empoy kung movie date nila ni Analyn ang nangyari.

"Hindi po. Nagkita lang kami doon. Kaibigan ko si Analyn laging...," seryosong sagot ng komedyante.

Sinundan pa ni Tito Boy ang kaniyang tanong kung nililigawan ba ni Empoy si Analyn.

"Hindi po. Nagpapa-pasa load lang po ako," sabi ni Empoy, na sinabunutan ni Jayson.

Sa huli, inamin naman ni Tito Boy na wala talaga siyang kausap sa telepono.

"Ang galing niyong umakting si Tito Boy!," natatawang sabi ni Empoy. -- FRJ, GMA Integrated News