Sa unang tingin, tila walang kakaiba sa video na nakuhanan sa isang bahay sa Bulacan na may batang lalaki na nakangisi sa likod ng pinto. Pero ang naturang bata, sinasabing nasa paaralan nang sandaling iyon kaya imposibleng nasa bahay. Kaya kinilabutan ang mga nakatira sa bahay at napaisip kung sino ang naturang bata.
Sa nakaraang episode ng “AHA!” sinabing pasado 1p.m. noong nakaraang buwan nang bumisita ang kliyente ng tattoo artist na si Art Flores sa kanilang bahay.
Sa cellphone video ng kliyente, makikitang iniabot sa kaniya ni Flores ang ipinagawang disenyo. Sa may pinto sa likod, may nahagip na batang lalaki na sumilip at nakangisi ngunit hindi gumagalaw.
Ang bata, kamukha ng anim na taong gulang na pamangkin ni Flores na si Allen Piad. Ngunit natakot si Allen sa nakita niya sa video dahil nasa eskuwelahan siya nang mga sandaling iyon.
Pagtiyak pa ng ina ni Allen na si Areli Ferrer, hindi kayang umuwing mag-isa ng kaniyang anak.
Sigurado rin siya na hindi si Allen ang bata sa video dahil sinundo niya ang anak sa paaralan.
“Noong nakita ko ang video,’ Anak ko ba ‘yon?’ Hindi siya ‘yon. Hindi siya ngumingiti ng katulad ng nasa video,” sabi ni Ferrer. “Kinilabutan po ako, hindi ako mapakali sa bahay na ito.”
Hinala ni Flores na hindi ang kaniyang pamangkin ang nasa video kundi isang doppelganger.
Sa kulturang Pinoy, ang pinakamalapit na bersyon ng doppelganger ang “Tambal,” na isang elementong naninirahan sa mga kagubatan.
Ginagaya ng mga Tambal ang kanilang mga biktima na naliligaw sa mga bundok. Pagkatapos manggaya, magpapanggap ang naturang elemento bilang tao na maaari pang makasalamuha ng pamilya ng biktima.
Nang imbestigahan ng team “AHA!” ang bahay nina Flores sa Bulacan, natuklasan ang isang malagim na nakaraan.
Ayon sa kapitbahay ni Flores na si Justine Fernandez, may buntis na dating nakatira sa bahay nina Flores.
namatay ang babae at ang sanggol sa sinapupunan nito nang saksakin siya ng kaniyang kinakasama.
Ngunit hindi na umano nahuli ang suspek.
Nang ipasuri sa isang filmmaker ang video, tiniyak niyang hindi edited ang video, at maaaring tunay na bata ang nakita sa video.
Nang bisitahin ng paranormal investigator na si Ed Caluag ang bahay nina Flores, nakaramdam siya ng tila presensya ng magnanay at posibleng may nangyaring abortion, miscarriage o bleeding, at nagkakagulo.
May nararamdaman din si Ed na tila pangyayari ng pagkalunod sa bata.
Sinubukan nila Ed at Flores na kausapin ang nagpaparamdam at may narehistrong boses sa aparato na tila nagsabi na "tinulak kasi."
Ayon kay Ed, ang mga doppelganger ay mga spirit na kayang gumaya ng mga mukha ng iba.
"Kung tama yung nakita ko na na-abort o nagpa-abort, wala talaga siyang image dahil never siyang napanganak. So ang tendency gagamit siya ng iba't ibang mukha," ayon kay Ed.
Paano kaya matutulungan ang mga espiritu sa bahay para matahimik na? Panoorin ang buong kuwento sa video. --FRJ, GMA Integrated News