Itinuturing na tagumpay ng mga dalubhasa sa Amerika ang eksperimento na ginawa nila sa mga daga na nakalakad muli makaraang maging paralisado dahil sa tinamong pinsala sa gulugod o spinal cord. Ang tanong, maaari din kaya itong magawa sa tao sa hinaharap?
Sa video ng Next Now ng GMA Integrated News, sinabing nakalakad muli ang mga paralisadong daga sa tulong ng treatment na kayang mag-trigger ng axons.
Ang axons ay maliit na fiber na nagsisilbing link ng nerve cells sa isa't isa at tumutulong sa nerve cells na makapag-communicate.
Gumamit ang mga researcher ng advanced genetic analysis para matukoy kung aling nerve cell group ang responsable para mapalakad muli ang pasalisado.
Gumamit sila ng chemical signal para mailagay sa axons sa target regions sa lumbar spinal cord at matagumpay nila itong nagawa sa mga daga.
"It highlights the neccessity of not only regenerating axons across lesions but also of actively guiding them to reach their natural target regions," ayon kay Michael Sofroniew, senior author.
Inasahan na magiging malaking hakbang ito sa paglikha ng mga therapy na magbabalik ng neurological functions sa tao. Ngunit magiging malaking hamon daw ang regenaration ng mga axons sa mga tao at pati sa malalaking uri ng hayop. -- FRJ, GMA Integrated News