Kasabay ng pinaigting na paghahanap ng kapulisan ng Batangas sa nawawalang beauty queen na si Catherine Camilon, inihayag ng tagapagsalita ng Philippine National Police na humiling ng "privacy" ang kaniyang pamilya.

Sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB nitong Miyerkules, sinabi umano ni PNP Spokesperson and Public Information Office Chief Colonel Jean Fajardo, na may magandang "lead" na sinusundan ang kapulisan tungkol sa pagkawala ni Catherine.

Sinabi umano ni Fajardo na nakausap na ng Batangas police ang pamilya at mga kaibigan ni Catherine, at may mga indikasyon na nakontak na ng pamilya ang kandidata ng Miss Grand Philippines 2023.

Bina-validate din umano ng kapulisan ang may kaugnayan sa isang pinutnahan ni Catherine at nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa pamunuan nito.

Ngunit dahil na rin sa kahilingan na "privacy" ng pamilya ni Catherine, hindi nagbigay pa ng ibang detalye si Fajardo.

Nakiusap umano ang pamilya ng beauty queen na hayaan na sila na muna ang gumawa ng paraan para makausap at mapakiusapan ito na umuwi na.

 

 

Bago nito, iniutos ni Police Provincial Office Director Police Colonel Samson Belmonte, sa buong kapulisan ng lalawigan na paigtingin ang pagkalap ng impormasyon at paghahanap kay Catherine, matapos hindi na makontak ng kaniyang pamilya mula pa noong nakaraang Biyernes.

Mula sa bayan ng Tuy ang high school teacher na si Catherine, na nagpaalam umano sa kaniyang ina na pupunta sa Batangas City dahil may katatagpuin.

Sa paghahanap ng mga awtoridad sa kaniya, nakakuha ng impormasyon ang Tuy Police na nakita si Catherine sa loob ng isang mall sa Lemery na mag-isa.

Pero nauna umano ito kaysa sa huling impormasyon na nakuha ng pamilya na sinabi ni Catherine na nasa isang gas station siya sa Bauan, pero walang nakuhang CCTV footage doon ang kapulisan. -- FRJ, GMA Integrated News