Nanawagan ng tulong si Herlene Budol para sa kapwa niya kandidata sa Miss Grand Philippines 2023 na si Catherine Camilon, na opisyal na idineklarang “missing person” ng Batangas Police Provincial Office.
“Catherine Camilon is one of my sisters sa Miss Grand International. Sana kung nasaan man siya ay nasa maayos siyang kalagayan at makauwi na siya sa kaniyang pamilya,” saad sa panawagan ni Herlene, na ipinakita rin sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.
“Tulong-tulong po tayo na mag-share ng information para mapabilis ang paghahanap sa kaniya. Sis, uwi ka na,” pagpapatuloy ng pahayag ni Herlene.
BASAHIN: Buong Batangas PNP, inalerto para mahanap si Catherine Camilon
Sa inilabas na pahayag ni Police Provincial Office Director Police Colonel Samson Belmonte, iniutos niya sa kapulisan ng lalawigan na paigtingin ang pagkalap ng impormasyon at paghahanap sa 26-anyos na si Catherine, na mula sa bayan Tuy, at isa ring high school teacher.
Ayon sa pamilya ni Catherine, umalis ito noong Biyernes ng gabi sakay ng SUV para puntahan ang katatagpuin sa Batangas City.
Batay sa huling mensahe ni Catherine sa kaniyang ina, nasa isang gas station siya sa Bauan, Batangas. Pero pagkalipas pa ng ilang oras, hindi na nila ito makontak.
Nauna nang nanawagan ang ina ni Catherine na si Rosario na magdiriwang ng kaarawan, na umuwi na siya at umaasang ligtas ang kaniyang anak.--FRJ, GMA Integrated News