Buong puwersa na ng Batangas police ang nagtutulong-tulong para hanapin ang nawawalang kandidata ng Miss Grand Philippines 2023 na si Catherine Camilon.
Sa inilabas na pahayag ni Police Provincial Office Director Police Colonel Samson Belmonte, iniutos niya sa kapulisan ng lalawigan na paigtingin ang pagkalap ng impormasyon at paghahanap sa 26-anyos na si Catherine, na mula sa bayan ng Tuy, at isa ring high school teacher.
"All stations and units across Batangas Police Province are working together with the Tuy Municipal Police Station in searching for any trace or information regarding the whereabouts of Catherine Camilon," nakasaad sa pahayag na naka-post ng Facebook page ng Batangas PNP Public Information Office.
Ayon sa pamilya ni Catherine, umalis ito noong Biyernes ng gabi sakay ng SUV para puntahan ang katatagpuin sa Batangas City.
Batay sa huling mensahe ni Catherine sa kaniyang ina, nasa isang gas station siya sa Bauan, Batangas. Pero pagkalipas pa ng ilang oras, hindi na nila ito makontak.
"Afterwards, her mother heard no updates from Ms. Camilon until Friday morning which the mother claims is unusual," ayon sa Batangas PNP.
Nauna nang nanawagan ang ina ni Catherine na si Rosario na magdiriwang ng kaarawan, na umuwi na siya at umaasang ligtas ang kaniyang anak.
"Anak, ikaw ay umuwi na. Kung nasaan ka man, sana ikaw ay maayos, sana'y ligtas ka. Umuwi ka na anak at ikaw ay hinihintay na namin," ayon sa ginang.
"Birthday ng ina eh, 'yun lang ang gawing mong pa-birthday sa akin. Anak, umuwi ka na, kami'y naiinip nang ikaw ay makita. Miss na miss ka na namin, anak," dagdag ni Nanay Rosario.
Sinabi rin niya na mula nang mauso ang cellphone at internet at palaging ipinapaalam ng kaniyang anak kung nasaan siya. -- FRJ, GMA Integrated News