Humanga ang hosts ng "The Boobay and Tekla Show" sa kabaitan ni Kristoffer Martin bilang kaibigan nang i-prank siya si Paul Salas na nagkunwaring nakabangga ng SUV at kailangan niya ng P50,000 na pambayad. Bukod doon, kunwaring nabisto niya na nagtataksil sa kaniya si Mikee Quintos.

Sa episode ng "TBATS" nitong Linggo, tinawagan ni Paul si Kristoffer sa telepono at sinabing nakabangga siya ng SUV dahil sa inis nang magtalo sila ni Mikee na nahuli niyang nagtataksil.

Tumanggi na muna si Kristoffer na husgahan kung ano ang umano'y ginawang pagtataksil ni Mikee habang hindi pa niya nalalaman ang buong kuwento.

Kasabay nito, humingi na ng tulong si Paul kay Kristoffer para manghiram ng P50,000 na hinihingi kunwari ng kaniyang nabangga.

Pero ipinaliwanag ni Kristoffer na nagkaroon din siya ng gastusin kaya hanggang P20,000 lang ang maipapahiram niya. Nang humirit si Paul na dagdagan ng hanggang P30,000, pumayag naman si Kristoffer.

Nag-alok din si Kristoffer na pupuntahan si Paul kung saan siya nabangga para umalalay.

Dito na ipinaalam ni Paul na na-TBATS o na-prank siya.

"Ang bait!," paghanga naman nina Boobay at Tekla kay Kristoffer na handang tumulong sa kaibigan.

Kasabay nito, tinanong naman ni Mikee si Kristoffer kung naniwala ito sa sinabi ni Paul na nahuli siyang nagtataksil.

Sagot ni Kristoffer, "Hindi." --FRJ, GMA Integrated News