Sa kabila ng matinding hirap na dinanas, nabuhay ang dalawang batang magkapatid na natagpuang nag-aagaw-buhay at walang saplot pang-ibaba sa Dasmariñas City, Cavite. Kumpirmadong ginahasa ang mga biktima, habang dalawang lalaki na suspek sa krimen ang dinakip. Alamin kung sino sila.

Sa programang "Pinoy Crime Stories," sinabing noong nakaraang Agosto nang matagpuan sa masukal na talahiban sa Dasmariñas City ang naghihingalong magkapatid na itinago sa pangalang "Cheenie," 8-anyos, at "Maria," 4-anyos.

Sa kuha ng CCTV camera, nakita ang magkapatid na naglalakad at papunta sana sa palengke kung saan nagtitinda ang kanilang ina.

Kadalasan na may bitbit na dahon ng malunggay ang magkapatid at napapadaan sa lugar na malapit kung saan nangyari ang karumal-dumal na krimen.

Ayon sa pulisya, isang nangunguha ng kabute ang nakadiskubre sa magkapatid na naghihingalo at agad siyang nagsumbong sa barangay.

Base sa pagsusuri sa ospital, nagtamo ng mga pasa, sugat, at bali sa katawan ang mga biktima. May palatandaan din na sinakal ang dalawa, at pinalo ng matigas na bagay sa ulo.

Kumpirmado rin na ginahasa ang magkapatid.

Ang isa sa mga biktima, kinailangang tahiin ang maselang bahagi ng katawan.

Hinala ng mga awtoridad, isinagawa ng suspek ang panghahalay nang inakala niyang patay na ang magkapatid.

Sa tulong naman ng CCTV camera, nagkaroon ng suspek ang mga awtoridad nang makita nila ang isang lalaki na nakadamit na puti na pumunta sa direksyon ng talahiban kung saan nangyari ang krimen.

Nakasunod sa naturang lalaki ang dalawang batang biktima.

Kinalaunan, nakita ang lalaki na lumabas ng talahiban at sumakay sa bisikleta na nakahubad.

Sa tulong ng iba pang kuha ng CCTV, natunton kung saan nagtatrabaho ang lalaki na itinuring suspek sa krimen — si Aljohn Iso, 21-anyos, isang construction worker.

Bagaman inamin niya sa mga pulis na siya ang tumawag umano sa mga biktima, itinuro naman niya si Mark Lester Gragasin, 21-anyos, na siya umanong gumawa ng karumal-dumal na krimen.

Mariin naman itinanggi ni Gragasin ang bintang ni Iso, at iginiit nito na wala siyang alam sa krimen.

Papaano nga ba plinano at isinagawa ng salarin ang krimen? Sino kina Iso at Gragasin ang nagsasabi ng totoo, at kumusta na ang kalagayan ng mga biktima? Panoorin sa video ang istorya.

 

-- FRJ, GMA Integrated News