Kung mayroong "anti-silos" class si Jak Roberto sa Jak Roberto University (JRU) at may David Licauco Seloso University (DLSU) naman si David Licauco, ano naman kaya ang kay Barbie Forteza?
Ito ang tanong ng The King of Talk kay Barbie sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Martes.
“Mayroon akong Barbie Forteza University - Major in Self Worth,” saad ng leading lady sa upcoming series na "Maging Sino Ka Man."
Sa segment na "Fast Talk," tila ipinakita ni Barbie kung ano ang kaniyang ibig sabihin nang piliin niya ang "Best Actress" kaysa "Best Girlfriend."
Nang tanungin naman ni Tito Boy ang aktres kung kanino niya sasabihin ang linyang, "Mahal na nga kita palagay ko eh, maging sino ka man," sagot ni Barbie: "Sarili ko."
Ayon pa kay Barbie, secure siya sa kaniyang sarili kaya alam na niya ang boundaries sa pagkakaroon ng on-screen at off-screen partners.
“Siguro dahil secure din naman ako sa sarili ko and kung paano ako pinalaki ng family ko, ‘yung values ko, intact naman siya. Malinaw sa akin kung alin ang work.”
“Thankfully I have been in the business for 14 years at galing din naman ako sa love team way back. So kahit paano may knowledge na rin ako kung paano siya i-handle,” anang aktres.
Inihayag din naman ni Tito Boy ang paghanga kina Barbie at sa nobyo nitong si Jak, at sa ka-love team na si David.
“May mga tao na kahit alam na nila, they still wish… Ako fan ako kaya alam ko ‘yun eh, nagnanais pa rin na ‘Sana ang magkatuluyan si David at saka si Barbie.’ But the way you guys are handling this is really admirable,” anang King of Talk.
Sa naturang panayam, inihayag ni Barbie ang kaniyang paghanga kay Jak dahil hindi nila kailangan pag-usapan ang tungkol sa love team niya kay David.
Habang si David, hanga si Barbie dahil alam nito kung papaano haharapin ang sitwasyon.
Muling magtatambal sina Barbie at David sa "Maging Sino Ka Man," na remake sa '90s film na pinagbidahan nina Sharon Cuneta at Robin Padilla.-- FRJ, GMA Integrated News